Home NATIONWIDE Isa pang OFW sa Saudi inaresto sa pagpost ng airstrike video

Isa pang OFW sa Saudi inaresto sa pagpost ng airstrike video

154
0

MANILA, Philippines – Isa pang overseas Filipino worker (OFW) ang inaresto sa Saudi Arabia dahil sa umano’y pagpo-post ng mga video ng airstrikes sa social media, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), kasunod ng mga naunang kaso sa United Arab Emirates.

Ayon kay DMW Undersecretary Bernard Olalia, humingi ng tulong sa pamahalaan ng Pilipinas ang OFW matapos ang kanyang pagkakaaresto, habang tiniyak ng gobyerno ang suporta sa mga apektadong Pilipino na nahaharap sa kaparehong kaso.

“We will help these 3 OFWs … na humarap sa kanilang kaso, while they’re are incarcerated. We respect their laws, we respect their processes but we will provide for legal assistance. Libre po ang abugado na ibibigay natin sa kanila,” ani Olalia.

Binigyang-diin ng DMW na bagama’t iginagalang nito ang mga batas ng host countries, patuloy itong magbibigay ng libreng legal na tulong at iba pang kinakailangang suporta sa mga nakakulong na OFW.

Muli ring nagpaalala ang ahensya sa mga Pilipino sa Middle East, partikular sa Saudi Arabia at UAE, na iwasan ang pagpo-post o pagbabahagi ng mga video ng airstrikes at iba pang sensitibong insidente dahil maaari itong lumabag sa lokal na batas at makaapekto sa national security operations.

Nauna nang naaresto ang dalawang OFW sa UAE dahil sa kaparehong alegasyon sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon na kinasasangkutan ng Iran, Israel, at United States. Ayon sa embahada, nabigyan na ng legal assistance ang mga ito at patuloy ang suporta sa kanilang pamilya.

Samantala, nagpadala na ng chartered flight patungong UAE upang tumulong sa repatriation ng mga OFW at iba pang Pilipinong apektado ng lumalalang tensyon sa rehiyon. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here