MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagsagip sa mga mangingisda na naiulat na nawawala sa karagatan ng Occidental Mindoro.
Nakatanggap ang PCG ng radio communication report sa FBCA Carmen 4 tungkol sa namataang isang distressed fishing vessel na FB MJ 2 sa humigit-kumulang 102 nautical miles mula sa Cabral Island, Lubang, Occidental Mindoro.
Ang FB MJ 2 ay nakaranas ng engine failure at ilang araw nang palutang-lutang sa dagat.
Tatlong mangingisda ang natagpuang buhay at ligtas na nailipat sa FBCA Carmen 4, habang isa ang kumpirmadong nasawi.
Isa sa mga nakaligtas ay nasa mahinang kondisyon at nangangailangan ng agarang atensyong medikal.
Ayon kay PCG Spokesperson, Captain Noemie Cayabyab, ang pagkakaligtas sa tatlong mangingisda ay nagpapakita na posibleng makaligtas kung patuloy ang search and rescue (SAR) efforts na may matibay na suporta mula sa mga maritime stakeholders.
“Kinilala ng PCG ang mga crew ng FBCA Carmen 4 sa kanilang pagiging mapagmatyag at tamang tulong, na naging mahalaga sa pagliligtas ng ating mga nakaligtas. Pinatutunayan ng insidenteng ito na ang maritime safety ay responsibilidad ng lahat,” ani Captain Cayabyab.
Sa kasalukuyan, ang 44-meter BRP Cape San Agustin (MRRV-4408) ay patungo sa itinakdang rendezvous area kasama ang FBCA Carmen 4 para sa turnover ng mga nailigtas na mangingisda.
Nauna nang iniulat ng Coast Guard District Southern Tagalog (CGDSTL) na nawawala ang apat na mangingisda matapos hindi makabalik sa Lian, Batangas, kasunod ng kanilang pag-alis patungong karagatan ng Ambil at Lubang Islands noong Pebrero 9, 2026.
Bilang tugon, inilunsad ng PCG ang mas pinaigting na SAR operations, gamit ang aerial assets at vessels, at mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno, local government units, at coastal communities Jocelyn Tabangcura-Domenden