MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 75-anyos na lolo sa Cebu dahil sa malalakas na pag-ulan dulot ng southwest monsoon o Habagat.
Ang biktima ay kinilalang si Deonisio Bonghanoy Labitad, na nalunod matapos tangayin ng tubig-baha sa Barangay Alpaco, Naga City, southern Cebu nitong Sabado ng umaga, Hunyo 7.
Ayon sa kaanak ng biktima, umalis si Labitad na isang magsasaka, sa kasagsagan ng malakas na ulan para tingnan ang kanyang kalabaw.
Sa kabila nito, natagpuan na lamang ang wala nang buhay na katawan nito sa kalapit na ilog.
Pinaniniwalaang tinangay ng malakas na agos ng baha ang biktima.
Agad na dinala sa Naga City Infirmary ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente. RNT/JGC