MANILA, Philippines – Sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Nicolas Torre III nitong Lunes, Hunyo 8, na dapat ay huling pamamaraan na ang paggamit ng pwersa o lethal force sa pag-aresto sa isang kriminal.
“Huwag kayong mag-alala yung [sa] sinasabi nating paramihan ng huli. I really don’t believe na yan ay maaabuso. Napakalas naman ng loob ng pulis na para lang makahuli ay gagawa ho ng huli. Tapos na ho yun,” pahayag ni Torre sa kanyang speech sa courtesy visit nito sa Commission on Human Rights (CHR) sa Quezon City.
“At dito, ang palagi kong ini-emphasize lethal force will only be used as a last resort. Buhay ang tao. Kaya kapag nag-reklamo sa CHR. Yan magkikita-kita tayo,” dagdag pa niya.
“Sa aresto, you will take somebody in custody. There is always a possibility that they will fight. So when they fight, papasok ngayon yung Article 11, justifying circumstances, self-defense,” ayon naman kay Torre sa isang ambush interview.
“Dedepensa ang pulis kung sa kanilang paningin ay endangered sila,” dagdag pa.
Ang pahayag ay pagtugon ni Torre sa mga pangamba ng CHR sa nauna nitong sinabi na ang bilang ng mga maaaresto ay kabilang sa assessment ng mga pulis.
“Iisa ang proseso sa arrest without warrant. Dadalhin natin sa inquest….Number one document na kailangan para sa inquest which is defined as a summary proceedings conducted by a prosecutor to determine whether a person arrested without a warrant should remain in custody,” aniya.
“Kaya karamihan ng affidavit of arrest ang aking batayan dahil yan ang pinakanakakatakot na trabaho ng pulis,” dagdag ni Torre.
Anang PNP chief, kung ang pulis ay makagawa ng paglabag o maling testimonya ay mahaharap ito sa parusa at pagkaalis sa serbisyo o suspensyon sa pwesto.
Samantala, sinabi ni CHR chairperson Richard Palpal-latoc na si Torre ang kauna-unahang PNP chief na nag-courtesy visit sa komisyon.
“Buong puso naming binabati si Police General Nicolas Torre III sa kanyang panunungkulan bilang bagong chief ng PNP. Welcome po sa CHR. Makasaysayan yung pagdalaw niyo rito. Kauna-unahan ho yatang dumalaw ang Chief PNP sa Komisyon,” aniya.
Ang pagbisita ni Torre, ani Palpal-latoc, ay magpapabuti sa koordinasyon sa pagitan ng CHR at PNP. RNT/JGC