MANILA, Philippines – Tumaob ang isang cargo ship na Bert 1 sa isang pribadong cement port sa Naga City, Cebu na nagresulta sa pagkamatay ng isang indibidwal.
Sa imbestigasyon ng Philippine Coast Guard-Central Visayas, nagkakarga ng cargo ang barko nang mangyari ang insidente.
Nagsimula umanong tumagilid ang barko sa kaliwang bahagi.
Nagbomba naman ng tubig palabas mula sa ballast tank ang mga crew upang maayos ang hindi pagiging balanse ng barko.
Gayunpaman, tumagilid naman ang barko sa kanang bahagi na naging sanhi ng pagtaob, ayon sa ulat.
Isang crew ang nasabit ang paa sa lubid at direktang nahulog sa tubig.
Pagdating sa ospital, idineklara ang crew na dead on arrival.
Samantala, isang crew member na na-trap sa loob ng engine room ang matagumpay na nailigtas matapos ang rescue operations at agad na dinala sa ospital para malapatan ng lunas.
Sa kasalukuyan, naglagay na ng oil spill boom upang pigilan ang posibleng pagtagas ng langis.
Ang cargo ship ay mayroong mahigit 15,500 litro ng diesel fuel at 500 litro ng lube oil.
Magsisimula rin ang pagsipsip ng natitirang fuel oil sa barko ngayong Huwebes habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden