KAILANGAN ng matinding pagkabigla upang aminin kung gaano na kalalim ang pagkabulok. Sa isang kamakailang forum, kasama ang mga mamamahayag, sinabi ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na nagulat siya sa lalim ng pakaugat ng korapsyon at kawalang pakialam sa DPWH. “Ibang klaseng animal ito,” aniya, bilang paglalarawan sa kasuklam-suklam na kalagayang natuklasan niya sa mahigit isang taon niyang panunungkulan.
Nasaksihan niya ang mga kalsada, tulay at pilapil na hindi natapos, gayundin ang mga proyektong flood control na nawawala. May mga imprastrakturang iniwan sa kalagitnaan ng konstraksyon at hinayaang mabulok nang hanggang walong taon, habang nasasayang ang oras at pondong inilaan ng pamahalaan.
Ayon kay Dizon, maraming suliranin sa mga distrito ang kayang lutasin sa pamamagitan ng sentido komon, ngunit kahit ito ay tila mahirap makamit. Nagpalit-palit man ang mga kalihim, nanatili ang nakagawiang kalakaran.
Kaya mahalaga ang personal niyang pag-iinspeksyon sa mga proyekto. Kailangang kumilos mismo ang pinuno ng ahensya upang mabuwag ang kulturang matagal nang nakaugat sa DPWH.
Ipinakilala ni Dizon ang mga repormang nakasandig sa transparency. Tinapos na umano niya ang dating kalakaran kung saan walang malinaw na paglalarawan ang mga proyekto basta’t may pag-apruba ng kinauukulan. Ngayon, kailangan ng mga dokumentong naglalaman ng komprehensibong plano, disenyo at iskedyul ng proyekto.
Itinitigil din ng DPWH ang pira-pirasong pagpopondo na nagiging dahlia sa pagkatengga ng mga proyekto. Isinusulong ang multi-year budgeting upang matiyak ang tuloy-tuloy na pondo hanggang sa matapos ang mga ito.
Ibinabawal na rin ang mga kontratistang walang maayos na rekord, habang nakikipagtulungan ang ahensya sa mga grupo ng civil society upang subaybayan ang mga proyekto. Prayoridad na ring tapusin ang mga kalsada at tulay na matagal nang napabayaan bago magsimula ng mga bago.
Pinapaboran din ni Dizon ang mga batang inhinyero na, ayon sa kanya, ay diretsahan at malinaw mag-isip. Sa Bulacan, itinalaga niya si Kenneth Fernando, 33, bilang officer-in-charge, kapalit ng mga sangkot na sina Henry Alcantara at Brice Hernandez, kasama isa pang batang inhinyero bilang assistant district engineer.
Batay sa aking mga mapagkukunan, sinisikap nilang tiyakin ang wastong disenyo at muling itayo ang mga pilapil sa Calumpit at Hagonoy. Gayunman, binalaan sila ni Dizon na mananagot sila sakaling masangkot sa katiwalian, tulad ng kanilang mga pinalitan.
Sa forum, sinabi niyang halos 50 katao na ang kinasuhan at nakulong kaugnay ng iskandalo sa mga proyektong flood control kabilang ang mga opisyal, kontratista at dating House Speaker Martin Romualdez, pinsang buo ni Pangulong Bongbong Marcos.
Marami pang kailangang gawin upang linisin ang DPWH at manaig ang katarungan. Ngunit kung magpatutuloy ang mga repormang ito, maaaring sumiklab ang isang kislap ng pag-asa sa pinakakinasusuklamang ahensya ng pamahalaan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






