SA paglilinis ng salamin, pagpipintura ng exterior walls, pagkukumpuni ng bubong, pag-install ng signage at iba pang gawain sa matataas na bahagi ng buildings at towers, isang pagkakamali lamang ay maaaring magdulot ng malubhang pinsala o kamatayan.
Ang ganitong trabaho na kaakibat ang hazard na work at height ay lubhang mapanganib. Malaki kasi ang tyansa nang pagkahulog ng manggagawa, pagbagsak ng kagamitan at pagkakatama ng mga nahulog na bagay sa mga taong nasa ibaba. Kabilang sa mga hazard ang madulas na ibabaw, malakas na hangin, ulan, sirang scaffold, hindi matibay na hagdan, maling paggamit ng lifeline at kakulangan sa fall protection.
Hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng safety helmet at safety harness. Kailangang tiyakin na ang buong sistema ng proteksyon ay angkop, maayos at tama ang pagkaka-install o pagkakasuot. Dapat ding suriin ang mga anchor point, lifeline, connectors at iba pang fall protection equipment bago simulan ang trabaho.
Mahalaga ang JSA o Job Safety Analysis, risk assessment, permit to work at toolbox meeting upang matukoy ang mga panganib at maipatupad ang nararapat na control measures. Kung maaari, unahin ang trabahong maisasagawa mula sa lupa o sa ligtas na lugar upang maiwasan ang hindi kinakailangang pag-akyat.
Dapat ding gumamit ng angkop, ligtas at certified na scaffold o work platform, maglagay ng barricade at exclusion zone sa ibaba, at tiyakin ang tamang pag-secure ng mga kagamitan upang hindi mahulog. Kailangang may sapat na pagsasanay, competent supervision at nakahandang rescue plan sakaling magkaroon ng emergency. Hindi sapat ang umasa lamang sa pagtawag sa rescue team matapos ang aksidente.
Sa Pilipinas, mahalagang sundin ang naaangkop na occupational safety and health requirements, kabilang ang Republic Act No. 11058 at mga kaugnay na implementing rules nito.
Ang deadline, bilis ng trabaho at pagtitipid ay hindi dapat manaig sa kaligtasan. Sa bawat paglilinis, pagpipintura at pagkukumpuni sa matataas na gusali, ang tamang paghahanda at pagkontrol sa panganib ang maaaring magligtas ng buhay.
Huwag hayaang ang simpleng pagkukulang sa itaas ng isang gusali ay maging trahedya para sa mga nagtatrabaho at naglalakad sa ibaba.






