ANG paglalakbay sa dagat ay madalas na inilalarawan bilang isang bakasyong puno ng saya, ngunit ang aking unang karanasan sakay ng Diamond Princess ay higit pa rito. Ito ay isang pagpapakita ng perpektong organisasyon, masasarap na pagkain, at higit sa lahat, ang dedikasyon ng isang crew na nagkakaisa para sa kanilang mga bisita. Mula April 29 hanggang May 8, ang serbisyo ay karapat-dapat sa markang “Perfect 10.”
Maayos na Sistema mula Simula hanggang Wakas
Nagsimula ang lahat sa isang napaka-organisadong embarkation process. Ang mga crew ang mismong gumabay sa bawat pasahero sa bawat hakbang, kaya naman naging mabilis at walang aberya ang pag-akyat sa barko. Ang ganitong antas ng kaayusan ay nagpatuloy hanggang sa huling araw sa Yokohama, kung saan ang maayos na pag-aasikaso sa mga bagahe ay naging malaking ginhawa para sa bawat panauhin.
Ang Galing at Puso ng mga Crew
Bagama’t napakalaki ng barko, ang mga crew nito ang nagsisilbing “puso” ng Diamond Princess. Kahanga-hanga ang ipinamalas na sipag ng buong team. Mula sa aming stateroom steward na si Luis, na pinanatiling malinis ang aming silid at masigasig na tumulong sa aming mga pangangailangan tulad ng laundry at pag-aayos ng mga gamit, hanggang sa mga technical team at Guest Services na mabilis rumesponde sa anomang usapin tungkol sa aming Medallion.
Maging ang photography department ay hindi nagpaubaya sa pagbibigay ng tulong upang masiguro na ang aming mga alaala ay maayos na mai-download sa aming mga telepono bago pa man matapos ang biyahe.
Pinoy Hospitality: Tatak Diamond Princess
Isang malaking karangalan ang makita ang galing ng mga Filipino crew members na nagparamdam sa amin na kami ay nasa sariling tahanan. Sa International Dining Room at Horizon Court (Deck 14), ang kanilang serbisyo ay hindi matatawaran. Hindi na namin kailangan pang humingi ng kape dahil bago pa man kami magsalita ay nakahanda na ang kanilang mainit na pagsisilbi. Sila rin ang aming naging gabay sa pagpili ng pinakamasasarap na pagkain sa buffet araw-araw.
Sa pamumuno ni Rodel Rafael, naging masaya ang bawat gabi sa hapunan. Bukod sa pagbibigay ng mga mahahalagang tip para sa aming pagbaba sa Ishigaki at Okinawa, hindi rin matutumbasan ang saya na idinulot niya sa kanyang mga pakulo gamit ang iba’t ibang sumbrero at salamin upang pasayahin ang mga bisita.
Isang Di-malilimutang Kaarawan
Ang pinakatampok na bahagi ng aking biyahe ay ang maagang pagdiriwang ng aking kaarawan noong Mayo 7. Nagsimula sa Horizon Court sa umaga at sa pangunguna ni Rodel Rafael mula sa The International Dining Room at ng kanyang team, isang sorpresang selebrasyon ang naganap na nagpangiti sa akin.
Ang mga videong ito, na ibinahagi ko rin sa Facebook, ay patunay na sa Diamond Princess, ikaw ay hindi lamang basta pasahero, ikaw ay bahagi ng kanilang pamilya.
Tagumpay sa Pagkain at Serbisyo
Umuwi man akong tila nadagdagan ang timbang dahil sa sarap ng mga pagkain, mula sa pizza, burger, at hotdog sa tabi ng pool hanggang sa mga engrandeng putahe sa dining room, sulit ang bawat kagat.
Sa buong crew ng Diamond Princess: Maraming salamat sa inyong sipag, sa inyong mga ngiti, at sa inyong dedikasyon. Hindi lamang kayo nagbigay ng serbisyo; nagbigay kayo ng isang “Perfect 10” na karanasan na kailanman ay hindi ko malilimutan.






