Home METRO Isko at mga guro kinilala sa Navotas

Isko at mga guro kinilala sa Navotas

DALAWANG public school teachers ang ginawaran ng scholarships sa ilalim ng NavotaAs Academic Scholarship Program para sa school year 2024-2025.

Nilagdaan ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang memorandum of agreement kasama si Navotas Schools Division Superintendent Meliton Zurbano at 28 benepisyaryo ng nasabing programa.

Kabilang sa benepisyaryo ang 15 bagong high school freshmen, 11 college freshmen, at 2 guro.

“Education is the key to a brighter future for our youth and our community. Through the NavotaAs Scholarship Program, we invest in the potential of both our students and teachers. We strive to support their academic pursuits and help them achieve their dreams,” ani Tiangco.

Para makakuha ng high school scholarship, ang aplikante ay dapat na kabilang sa top 10 percent ng graduating elementary class. Ang Navotas Polytechnic College scholars ay mula sa top 25 percent ng senior high school graduating class, at ang merit scholars ay kabilang sa top 10 ng senior high school graduating class.

Sasailalim din sa pagsusulit at interview ang aplikante.

Ang pamahalaang lokal ay magbibigay sa high school scholars ng P18,000 kada academic year para sa aklat, transportasyon at food allowance.

Ang Navotas Polytechnic College scholars naman ay may P22,000 kada academic year para sa matrikula, aklat, transportasyon at food allowance.

Samantala, ang merit scholars, na makapapasok kahit saang kolehiyo o unibersidad sa Metro Manila ay mabibigyan ng P262,000.

Dagdag pa rito, ang mga teacher scholars ay tatanggap ng P75,000 kada academic year para sa kanilang matrikula, aklat transportasyon at food allowance pati sa research grant.

Kamakailan lamang ang pamahalaang lungsod ay tumanggap ng 145 bagong scholars sa ilalim ng NavotaAs Sports Scholarship Program.

Naglalaan din ang Navotas ng scholarships sa mga mag-aaral na nangunguna sa Arts at sa mga bata o kaanak ng Top Ten Most Outstanding Fisherfolk. (R.A Marquez)