Home METRO Kelot timbog sa P1M shabu sa Taguig

Kelot timbog sa P1M shabu sa Taguig

Arestado ng mga miyembro ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig City police ang isang high value target (HVI) na nakumpiskahan ng halagang ₱1,020,000 shabu Martes ng madaling araw, Hunyo 25.

Kinilala ng Taguig City police ang nadakip na HVI suspect na si alyas Abel, 39.

Base sa report na isinumite sa Southern Police District (SPD), naganap ang matagumpay na pag-aresto sa suspect ng mga tauhan ng SDEU dakong alas 4:45 ng madaling araw sa Barangay Upper Bicutan, Taguig City.

Sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ng suspect ang anim na plastic sachets na naglalaman ng 150 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1,020,000; kulay pulang pouch; digital weighing scale; at ang ₱1,000 na buy-bust money na nakapaibabaw sa 19 na piraso ng tig- ₱1,000 boodle money.

Ang nakumpiskang hinihinalang shabu na gagamiting ebidensya sa pagsasampa ng kaso laban sa suspect ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Taguig City police. (James I. Catapusan)