COTABATO CITY — Nagsasagawa na ng manhunt operation ang pulisya laban sa lalaking pinaghihinalaang naghagis ng granada sa sasakyan ng isang Islamic teacher sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur noong Biyernes ng gabi.
Ayon kay Maguindanao del Sur Police director Col. John Michael Mangahis, nangyari ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa isang roadside carwash center sa Barangay Kitangon.
Target umano ng pag-atake si Hajim Halil, isang Islamic teacher at residente ng naturang barangay.
Hindi nasaktan si Halil dahil wala siya sa loob ng kanyang minivan nang ihagis ang granada. Nasira naman ng shrapnel ang kanyang sasakyan.
Sinabi ng pulisya na ilang lead na ang kanilang sinusundan upang matukoy at maaresto ang suspek.
Ayon kay Mangahis, sinabi ni Halil na wala siyang alam na kaaway na maaaring nasa likod ng pag-atake.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa insidente. RNT