Home NATIONWIDE ITCZ, amihan, easterlies magpapaulan sa bansa

ITCZ, amihan, easterlies magpapaulan sa bansa

238
0

Magdadala ng maulap na kalangitan at mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong Biyernes ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ), Northeast Monsoon o amihan, at Easterlies, ayon sa PAGASA.

Ayon sa ahensya, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Caraga, Davao Region, at Palawan dahil sa ITCZ, na maaaring magdulot ng flash flood o landslide bunsod ng katamtaman hanggang malakas na ulan.

Apektado rin ng Easterlies ang Bicol Region, Eastern Visayas, Aurora, at Quezon na makakaranas ng kaparehong lagay ng panahon at banta ng pagbaha o pagguho ng lupa.

Inaasahan namang uulan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, at Ifugao dahil sa amihan, na may posibilidad din ng flash flood o landslide. Sa Ilocos Region at iba pang bahagi ng Cordillera Administrative Region, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang mahinang ulan ang mararanasan, na walang inaasahang malaking epekto.

Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms ang mararanasan sa natitirang bahagi ng Mindanao dahil sa ITCZ, habang sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay posibleng magkaroon ng isolated rain showers o thunderstorms dahil sa Easterlies.

Inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na hangin at katamtaman hanggang maalong dagat sa extreme Northern Luzon at silangang bahagi ng Luzon at Visayas, habang magaan hanggang katamtaman na hangin at bahagyang hanggang katamtamang pag-alon ng dagat ang mararanasan sa iba pang bahagi ng bansa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here