MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na naglabas ito ng circular para sa patuloy na pagbibigay ng tig-P5,000 Productivity Enhancement Incentive (PEI) para sa Fiscal Year 2025.
Ayon sa DBM, inilabas ang Circular Letter No. 2025-13 na nagbibigay-gabay sa lahat ng ahensya ng gobyerno sa pagbibigay ng PEI.
Bawat kuwalipikadong kawani ng gobyerno ay makatatanggap ng tig-P5,000 na hindi maaaring ipagkaloob nang mas maaga sa Disyembre 15, 2025, alinsunod sa Budget Circular No. 2017-4.
“We thank President Ferdinand R. Marcos Jr. for his approval, which enables the continued grant of the Productivity Enhancement Incentive. This reflects our shared commitment in recognizing performance, professionalism, and the vital role of public servants,” ayon kay DBM Acting Secretary Rolly Toledo.
Saklaw ng PEI ang mga civilian employee sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan, state universities and colleges, government-owned or -controlled corporations sa ilalim ng DBM, local government units, local water districts, gayundin ang mga military at uniformed personnel. Sinabi ng DBM na nailabas na ang P9.24-bilyong pondo para sa 2025 PEI sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.
Ipapatupad ang PEI alinsunod sa mga kundisyon sa serbisyo at performance sa ilalim ng BC No. 2017-4, kung saan maaaring makatanggap ng prorated na halaga ang mga empleyadong nakapaglingkod ng mas mababa sa apat na buwan.
Taun-taon nang ipinagkakaloob ang PEI mula noong 2016 upang kilalanin ang serbisyo publiko at mahikayat ang produktibidad sa burukrasya. RNT