Home NATIONWIDE ITCZ magpapaulan sa M’danao

ITCZ magpapaulan sa M’danao

Magdadala ng mga kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa katimugang bahagi ng Mindanao, habang ang easterlies ay nakaapekto sa nalalabing bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Maaaring makaranas ng pagbaha o pagguho ng lupa ang Surigao del Sur, Davao Oriental, Davao Occidental, Sarangani, Sultan Kudarat, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan. Sa ibang bahagi ng Mindanao, ang mga isolated thunderstorm ay maaari ring magdulot ng ganoong panganib.

Sa Metro Manila at iba pang rehiyon, asahan ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan o pagkidlat-pagkulog. Babala ng PAGASA: “Maaaring magdulot ng flash flood o landslide ang matitinding thunderstorm.”

Inaasahan ang mahina hanggang katamtamang hangin at banayad hanggang katamtamang pag-alon sa mga baybaying dagat. RNT