MANILA, Philippines — Magdadala ng pag-ulan ang intertropical convergence zone (ITCZ) sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao ngayong Biyernes, Oktubre 16, habang northeasterly winds naman ang makaaapekto sa Northern Luzon, ayon sa PAGASA.
Makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Visayas, Mindanao, Bicol Region at MIMAROPA dahil sa ITCZ.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng flash flood o landslide kapag naging katamtaman hanggang malakas ang pag-ulan.
Samantala, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated light rains ang inaasahan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley dahil sa northeasterly windflow. Wala namang inaasahang malaking epekto mula rito.
Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon, posibleng magkaroon ng isolated rain showers o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms. Maaari ring magkaroon ng flash flood o landslide sa panahon ng matinding thunderstorm.
Samantala, ang tropical depression na binabantayan sa labas ng Philippine Area of Responsibility ay humina na bilang low pressure area, ayon sa PAGASA report. Hindi ito inaasahang papasok sa PAR.
Nauna nang namataan ang naturang sama ng panahon mahigit 2,000 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon noong Huwebes ng umaga.
Patuloy na pinapayuhan ang publiko na bantayan ang mga susunod na weather advisory ng PAGASA. RNT