MANILA, Philippines – Iniutos ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na ikandado at kumpiskahin ang mga heavy equipment at iba pang kagamitang pangkonstruksyon sa isang bakanteng lote sa Sta. Cruz, Manila.
Ang naturang kautusan ay matapos magsagawa ng inspeksyon ang lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Yorme Isko kasama ni City Engineer Armand Andres, City Electrician Randy Sadac, Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Dennis Viaje at Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Director Arnel Angeles sa isang bakanteng lote sa Alvarez Street, corner Avenida sa Barangay 334, Zone 33, na dating RASAC covered court.
Napag-alaman na ang naturang dating covered court ay nasa pangangalaga ng Public Recreations Bureau ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ngunit ito ay iligal umano na ipinagiba upang bigyang-daan ang isang proyekto ni Manila 3rd District Congressman Joel Chua.
Nabatid na ang isinasagawang proyekto ni Cong. Chua sa nasabing lugar ay wala umanong kaukulang permit na nagmula sa Pamahalaang Lungsod gayundin ang planong pagpapatayo ng bagong istruktura sa bakanteng lote. JAY Reyes