Home ENTERTAINMENT Ivana, sinabunutan ng lola; Paulo, todo-awat!

Ivana, sinabunutan ng lola; Paulo, todo-awat!

Manila, Philippines- Viral ngayon sa YouTube ang prank na ginawa ni Ivana Alawi kay Paulo Avelino kung saan ay nakipag-away ang actress/vlogger sa mga tindera ng damit.

Guest ni Ivana si Paulo sa kanyang latest vlog at ang challenge na ginawa nila ay mamili sa tiangge na ang budget limit ay P1,000 pesos.

Walang kamalay-malay ang actor na ang pinaka-highlight ng vlog ay ang prank sa kanya.

Makikita at mapapanood sa video na walang ginawa si Ivana kundi tumawad nang tumawad sa kanilang bibilhing damit, hanggang sa umabot na sa tila naasar na ang dalawang tindera na nagkunwaring mag-lola.

Makikita sa video na namamagitan si Paulo sa tuwing medyo naasar at naiirita na ang tinderang mag-lola kay Ivana.

In fairness ay magaling umarte ang mag-lola na talagang iisipin mo na asar na asar na sa actress.

Hanggang sa dumating na sa climax kung saan sinabunutan na si Ivana ng lola. Dahil actress ay acting na acting din si Ivana para hindi mahalata ni Paulo na prank.

In fairness kay Paulo, dito nakita na ang pagiging mabuting tao ng actor dahil panay ang awat niya kay Ivana na huwag nang patulan ang lola dahil senior citizen na ito. At panay ang sabi niya sa lola na relax lang dahil baka kung mapaano pa ito.

Nang nagkakasabunutan na si Ivana at ang mag-lola ay talagang pumagitna na si Paulo sa dalawang kampo para awatin ang mga ito.

At nang i-reveal na nila na “It`s a prank”, dito na nahimasmasan si Paulo at nasabi nito, “Oh, my God.”

“In fairness, ha, naniwala ako,” say pa ng actor.

Tawa naman ng tawa si Ivana at ang gumanap na mag-lola.

Sa tuwing gagawa ng prank vlog si Ivana ay laging klik dahil hindi mo talaga iisipin na prank lang ito.

Kaya lang baka dumating ang oras o panahon na totoo na pala ang nangyayari sa kanya at wala nang maniniwala dahil iisipin na prank lang ito. Gerry Ocampo