Home OPINION IWAS PAPUTOK

IWAS PAPUTOK

262
0

SINUSULAT ko itong kolum ko dalawang araw bago ang Bagong Taon. Ilang gabi na ring laman ng balita na dinadagsa na ang Bocuae, Bulacan ng mga bumibili ng mga paputok at pailaw at sa tantya ng marami, mas masigla at marami ang pagtangkilik ng mga Pinoy ngayon taon, kumpara noong nakalipas.

Nirerespeto ko naman ang paniniwala na may dalang swerte ang pagpapaingay at pagpapaputok pagsapit ng Bagong Taon. Kanya-kanya lang talaga ng paniwala yan. Pero hindi ganoon kasimple na pwedeng ilatag ang gawain na ito na “wala namang masama”.

Dahil maraming masamang epekto ang ganitong kaugalian at dala-dala nito ang seryosong banta.

Ayon sa DOH, umabot sa 211 ang firecracker incidents noong simula ng 2023. Mas mataas ito nang bahagya sa naitalang mga kaso noon Enero 2022. Ilan kaya ang napatulan ng daliri o kamay o nabulag sa mga bilang na ito?

Iniulat naman ng Philippine Red Cross na tumugon sila sa apat na sunog na nangyari ilang oras pa lang ng unang araw ng Enero 1, 2023. Nangyari ang mga sunog sa Taguig, Payatas, Quezon City at Tondo, Maynila.

Ayon sa PNP, mahigit 23 ang inaresto noong December 2022 dahil sa pagbebenta o pag-gamit ng mga iligal na paputok.  Mabuti na lang at nabawasan na talaga ang mga unipormadong tauhan na nagpapaputok ng kanilang mga baril pag sapit ng bagong taon.

Isa pang hindi magandang epekto ng mga paputok ay ang takot at labis na pagkalito na dulot nito sa mga alagang hayop. Dahil fur-parent din kami, kitang-kita namin ang panginginig at pagkabalisa ng aming fur-babies. Pati buong pamilya tuloy namin sobra ang stress.

Hindi pa natin sinasama dito sa listahan ang dulot na polusyon ng ilang oras na pagpapasabog at pailaw ng mga magagarbong fireworks display. Ang ganda ngang tingnan, ‘yun nga lang puro

usok at dumi sa hangin ang iniiwan nito, iba pa ang basurang papel at plastik paggising natin sa umaga.

Panghuli at pinakamahalaga sa akin, literal na kinakapos ako ng hininga pagsapit ng alas-dose, dahil sa iniinda kong sakit na respiratory. Libo-libong Pilipino ang may asthma, allergy, pulmonya, TB, bronchitis at Chronic obstructive pulmonary disease o COPD ang hirap na namang suminghap at malamang ay lalala pa ang kanilang mga sakit.

Mabuti na lang at halos lahat ng LGUs ay meron ng kanya-kanyang mga ordinansa sa paggamit ng mga paputok at pailaw. Sana nga ay maipatupad ng tama ang mga designated fireworks display area sa lahat ng lugar para sa maayos na pagsalubong nating lahat sa Bagong Taon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here