SA katatapos na taong 2023, nawa’y isinama na nito sa kanyang pagreretiro ang lahat nating dala-dalahan sa buhay. Mga problema, sakit, pagkabigo, kamalasan, kamatayan ng mga mahal sa buhay at lahat na ng kalungkutan.
Para sa pag-pasok naman ng bagong taong 2024, pahintulutan din ng Maykapal na kamtan nating lahat ang mahabang-buhay, malusog na pangangatawan, kapayapaan, kaginhawahan at seguridad.
Pero sabi nga ng kasabihan “nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” Ang iba naman sa atin, ito ang sinusundang kasabihan – “di baleng tamad, ‘wag lang pagod.”
‘Di ko tinatangkang patawanin kayo, gusto ko lang diinan na sa atin lahat nagsisimula. Sa ating mga galaw, pag-uugali, at pagtingin sa buhay.
Kailangan natin harapin ang Bagong Taon na may pag-asa at pasasalamat sa mga dumating na biyaya sa nagdaang taon. Nang sa gayon mamuhay tayo sa 2024 na may magaang kalooban, handang tumulong sa ating mga kapwa Filipino lalo na ang mga mahihirap at nangangailangan.
Tanggapin din nating maluwag sa ating kalooban ang mga darating na paghamon sa buhay upang maka-isip tayo ng paraan kung paano natin malalampasan ang mga ito. Dahil ito rin ay ibinibigay ng Maykapal upang lalo tayong tumibay sa hirap ng buhay.
‘Di natin dapat ikalungkot ang ‘di natin narating o naranasan na inaasam noong 2023, at isipin na ito ay kagustuhan na rin ng Maykapal na siyang nakaaalam kung ano ang mas makabubuti sa atin.
Lahat nang nangyayari sa ating mga buhay ay may dahilan at may nakalaang kasagutan sa tamang panahon. Ang mahalaga ay mayroon tayong lakas at buhay para harapin ang mga hamong ito. Mayroon tayong pamilya at mga mahal sa buhay na handang umagapay hanggang sa huli.
Salubungin natin ang taon 2024 na may magandang pangarap at inaasam upang ito ang magsilbing inspirasyon sa patuloy nating pamumuhay nang tama at may panalanging màgawa nang naaayon sa kalooban ng Panginoon.
Mapagtatagumpayan natin ang lahat ng hamon kung tayo lagi ay nasa Panginoon. HAPPY NEW YEAR TO ALL!