Home OPINION BAGONG TAON, BAGONG BUHAY

BAGONG TAON, BAGONG BUHAY

KARANIWANG  binabanggit ng ordinaryong mamamayan ang pagbabagong buhay tuwing sinasalubong ang Bagong Taon kasabay ng pag-asang panibagong yugto sa araw-araw na hamon ng buhay.

Kaakibat nito ang pag-iwan ng masasamang nangyari o kaya naman mga maling kaganapan na nag-dulot nang pagkawatak-watak ng bawat pamilya o indbidwal ng nakaraang taon kasabay din nang pagbangon mula sa kinasasadlakang kalagayan kung saan patuloy na umaasang magiging maganda ang taong ito.

Likas na sa bawat Pinoy ang ganitong kaugalian kaya naman kahit saan mapadpad ito ay patuloy na hinahangaan ng mga dayuhan subalit ito rin kaya ang nasa kukote ng ilang opisyal na inaasahan ng taumbayang magbibigay sa kanila ng bagong pag-asa kung paano maitawid ang lugmok na kalagayan nila?

Halimbawa, maliwanag pa sa sikat ng araw na kaliwa’t kanang reporma at programa ang ipinatutupad ni Pangulong Bongbong Marcos upang maibsan ang nararanasang kahirapan ng nakararaming mamamayan ngunit batid ng sambayanang may ilan pa ring opisyal na walang awang pinagpapasasaan ang pondo ng gobyerno para sa sariling interes na hindi na nagbago sa bawat taong lumilipas.

Ibig sabihin, sila ‘yung walang ibang iniisip kundi ang magpayaman nang husto sa pamamagitan ng mga programang marapat na pakikinabangan sana ng mahihirap na kababayan.

Ang punto, hindi magkakaroon nang makatotohanang pagbabago sa kalagayan ng taumbayan hangga’t andyan ang ilang tusong taong gobyernong patuloy na sumisira sa malinis na hangarin ng kasalukuyang administrasyon na maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat isa.

Sila ‘yung lumilipat lang ng upuan sa bawat administrasyon subalit pareho pa rin ang hangarin kung saan ang pagkakamal lang ng kwarta ang nasa utak at hindi ang makapagsilbi sa karamihan mamamayang patuloy na umaasa sa gobyerno sa bawat taon na lumilipas.

 

Previous articleHAPPY NEW YEAR TO ALL
Next articleSAKIT SA BATO AT PUTOL NA BINTI’T BRASO