CAGAYAN, Philippines – Natuklasan ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO)-Alcala, Cagayan ang isang bihira at endemic na halaman na Jade Vine (Strongylodon macrobotrys) sa kabundukan ng Sitio Hotspring, Asinga Via, Baggao, Cagayan.
Ayon sa CENRO-Alcala, nagsagawa sila ng field monitoring upang maitala at masuri ang kondisyon ng halaman na kilala sa natatanging kulay turkesa na bulaklak.
Ang Jade Vine ay isang climbing plant na karaniwang tumutubo sa mga lugar na may sapat na lilim at umaasa sa malalaking puno bilang suporta sa paglaki nito sa kagubatan.
Ayon sa CENRO, mahalaga ang Jade Vine sa ecosystem dahil nakatutulong ito sa pollination, partikular sa mga paniki, at itinuturing din itong indicator species na senyales ng malusog at hindi pa naaabala ng tao na kagubatan.
Nanawagan naman ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko na suportahan ang mga programa para sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapanatili ng likas-yaman sa bansa. RNT/MND