Home NATIONWIDE JAL plane sa Tokyo airport mishap walang sakay na Pinoy – Japan...

JAL plane sa Tokyo airport mishap walang sakay na Pinoy – Japan Embassy

MANILA, Philippines- Walang Pilipinong sakay ng Japan Airlines (JAL) flight na nasunog sa Haneda Airport sa Tokyo matapos sumalpok sa isa pang aircraft, ayon sa Japanese Embassy sa Manila nitong Huwebes.

“According to our current information received from JAL, there are no passengers of Philippine nationality on the flight,” pahayag ng embahada.

Kasunod ang impormasyon ng pahayag ni Philippine Ambassador to Japan Mylene Garcia-Albano nitong Miyerkules na wala pa siyang natanggap na impormasyon mula sa JAL at sa Haneda Airport police kung mayroong Pilipino sa nasabing flight, batay umano sa privacy reasons.

Subalit, tiniyak ng envoy na patuloy nitong sinisikap na makakuha ng impormasyon  at muling nakipag-ugnayan sa JAL.

Aniya pa, handa rin ang embahada na umasisti sakaling mayroong Pilipinong nawalan ng travel documents dahil sa pagsabog.

Sumalpok ang JAL flight 516 sa isa pang aircraft, na pinangangasiwaan ng Japan Coast Guard, nitong Martes ng gabi, at kalaunan ay nagliyab.

Bagama’t ligtas na nailikas ang lahat ng pasahero mula sa eroplano, patay ang limang indibidwal sa ikalawang aircraft na may karga umanong earthquake relief supplies.

Base sa JAL, pinayagan na ang aircraft nito na lumapag subalit bumangga sa Japan Coast Guard aircraft pagbaba.

Matapos masunog ng eroplano, gumamit ang mga pasahero ng emergency slides upang makatakas sa pagliyab. Mahigit 100 firetrucks umano ang rumesponde sa insidente. RNT/SA

Previous articleMalawakang brownout sa Western Visayas tatalupan ng Senado
Next articleMMDA nagsagawa ng clearing ops para sa Traslacion