Home OPINION JALAUR DAM SA ILOILO KAILAN MATATAPOS?

JALAUR DAM SA ILOILO KAILAN MATATAPOS?

‘YAN  ang tanong ng mga Ilonggo sa patuloy na nabibinbin, hindi matapos-tapos na Jalaur River Multi-Purpose Project  sa bayan ng Calinog sa Iloilo.

May nakalaang pondong tumataginting na P11.2 bilyon, ang ambisyosong project na ito na nasimulan sa panahon pa ng dati at namayapang Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Dapat ay 2019 pa ang completion nguni’t nabinbin sa 2023. Sa pahayag ng National Irrigation Administration, magiging operational na ang dam sa 2025.

Anoman ang dahilan nang patuloy na pagkakabinbin nito, umaasa ang mga Ilonggo na kikilos na si Pangulong Bongbong Marcos para tapusin ang proyekto.

Isinulong nang noo’y Senador Franklin Drilon, ang Jalaur Dam – kapag naging operational na – ay magiging susi sa malaking pagbabago sa food production ng Iloilo.

Kung ang Isabela ay “Rice Granary of the North”, ang Iloilo na kilala ring “Sugar Cane Province” ay ang “Rice Granary of Visayas” dahil sa  mga maluwang nitong bukirin at matatabang lupa.

Ang mga bayan ng Pototan, Dueñas, Dingle, Zaraga, Leganes, San Enrique, Barotac Nuevo, Dumangas, Banate, Anilao at Passi City ay kilalang rice producers sa lalawigan.

Sa ngayon, ang Iloilo farmers ay nag-aani ng dalawang beses sa isang taon na nagdedepende lang sa dating ng ulan para makapagsimulang makapagtanim ng palay.

Kaya ayon sa magsasakang si Pet lingat ng Passi, puwede silang magsaka’t mag-ani ng tatlong beses kada taon kapag naging operational na ang Jalaur dam.

Pero hangga’t ‘di natatapos ang proyektong ito, ang tatlong beses na ani sa isang taon ay mananatiling pangarap lang para kay Lingat at libo pang kapwa Ilonggo farmers.

Previous articleHARBATERONG OPISYAL NG MAYNILA
Next articleALAMIN: Pangalan ng mga tropical cyclone ngayong 2024