Home METRO Jalosjos Jr. sinibak ng SC bilang Zamboanga del Norte Representative

Jalosjos Jr. sinibak ng SC bilang Zamboanga del Norte Representative

MANILA, Philippines- Pinawalang-bisa ng Supreme Court (SC) ang proklamasyon kay Romeo “Kuya Jonjon” M. Jalosjos, Jr. bilang nanalong kongresista sa Zamboanga del Norte First District sa 2022 National and Local elections.

Sa halip, inatasan ng SC ang Commission on Elections na iproklama si Roberto ‘Pinpin’ T. Uy, Jr. bilang nanalong kongresista ng Zamboanga del Norte First District sa naganap na 2022 National and Local elections.

Sa SC En Banc decision, kinatigan nito ang pinagsamang petisyon nina Uy at isa pang kandidato na si Frederico Jalosjos.

Sina Uy, Federico Jalosjos at Romeo Jalosjos ay magkakalaban bilang kongresista ng 1st District ng Zamboanga del Norte noong nakaraang 2022 election.

Naghain ng petisyon sa Comelec si Cong. Romeo Jalosjos Jr. para ideklarang nuisance candidate si Federico Jalosjos Jr.

Si Uy ay nakakuha ng 69,591 votes habang 69,109 votes naman ang nakuha ni Romeo Jalosjos Jr. at 5,424 votes si Federico Jalosjos.

May 12, 2022, naglabas ng desisyon ang Comelec kung saan idineklarang nuisance candidate si Federico Jalosjos kung kaya’t ang boto nito ay napunta kay Romeo Jalosjos Jr. na naging dahilan para siya ang nanalong kinatawan ng Unang Distrito ng Zamboanga del Norte.

Umakyat sa Supreme Court si Roberto Uy para kwestyunin ang desisyon ng Comelec na ideklarang nuisance candidate si Federico Jalosjos.

Idineklara ng Korte Suprema na hindi nuisance candidate si Federico Jalosjos kung kaya’t naging valid ang mga nakuhang boto nito.

Ayon sa Korte, si Roberto Uy bilang tunay na nagwagi sa nakalipas na halalan ang nararapat na umupo bilang kinatawan ng 1st District ng Zamboanga del Norte. Teresa Tavares