Home HOME BANNER STORY Jeep na may sakay na raliyista, hinarang; MPD itinanggi mga alegasyon

Jeep na may sakay na raliyista, hinarang; MPD itinanggi mga alegasyon

2
0
(Eric Ocapan)

MANILA, Philippines – Hinarang ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) at Quezon City Police District (QCPD) ang isang pampasaherong jeepney na may sakay na mga raliyista sa Welcome Rotonda, Quezon City, nitong Lunes, Nobyembre 16, habang patungo ang mga ito sa kilos-protesta sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.

Halos 50 jeepney at van ang sinita ng LTO sa lugar, kung saan 20 sasakyan ang tiniketan dahil sa umano’y paglabag sa kanilang awtorisadong ruta o out-of-line operations.

(Eric Ocapan)

Inamin naman ng ilang driver na inarkila sila upang maghatid ng mga demonstrador na makikilahok sa kilos-protesta kaugnay ng 49th ASEAN Summit.

Samantala, nanawagan ang Manila Police District (MPD) sa mga raliyista na magharap ng konkretong ebidensya kaugnay ng mga alegasyon laban sa ilang pulis sa Liwasang Bonifacio.

Ito ay matapos akusahan ng mga demonstrador ang ilang pulis ng umano’y paninira sa gulong ng isang truck, panggugulo sa hanay ng mga nagpoprotesta at pagpapakalat ng maruruming bagay sa lugar.

Mariing itinanggi ng MPD ang mga paratang at iginiit na hindi naaayon sa tungkulin at pamantayan ng kapulisan ang mga naturang gawain.

Ayon sa MPD, bukas ito sa masusing imbestigasyon ngunit kailangang magharap ng malinaw na ebidensya upang maaksyunan ang mga reklamo.

Nauna nang itinanggi ni MPD spokesperson Maj. Philipp Ines ang alegasyong mga pulis ang nagpakalat ng dumi at ihi sa Liwasang Bonifacio.

Binigyang-diin din ng MPD na nananatiling prayoridad nito ang pagpapanatili ng kaayusan at seguridad habang iginagalang ang karapatan ng publiko sa mapayapang pagpapahayag.

Samantala, muling nagsagawa ng mga kilos-protesta ang iba’t ibang militanteng grupo nitong Lunes kasabay ng pagpapatuloy ng ASEAN Summit.

Kabilang sa mga tinututulan ng mga demonstrador ang pagbisita ni US President Donald Trump at ang panukalang Pax Silica initiative.

Patuloy namang nakabantay ang mga awtoridad sa mga lugar na pinagdarausan ng mga pagtitipon at iba pang aktibidad kaugnay ng ASEAN Summit.

(Jocelyn Tabangcura-Domenden)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here