Manila, Philippines — Nasa kamay na ni Jiro Manio ang desisyon kung muli siyang babalik sa mundo ng showbiz matapos siyang alukin ng role sa primetime series na Batang Quiapo ni Coco Martin.
Ayon kay Jiro, mismong si Coco na raw ang nagsabi sa kanya na magbigay lang siya ng petsa kung kailan siya pwedeng mag-taping. Gayunman, aminado ang 33-anyos na aktor na alumpihit siya sa pagdedesisyon.
Nasa ilalim pa raw siya ng medikasyon kaugnay ng kanyang drug rehabilitation, at hindi rin siya sigurado kung kakayanin niya ang puyat at pagod na kaakibat ng trabaho sa teleserye.
“Hangga’t maaari ay ayaw kong mapahiya kay Coco,” aniya, na tila takot ulitin ang pagkakamali noong 2009 kung saan hindi siya sumipot sa taping ng Tayong Dalawa ng ABS-CBN. Dahil dito, pinalitan siya sa proyekto at kalauna’y binitawan din ng Star Magic.
Sa ngayon, seryosong pinagninilayan ni Jiro ang alok para sa Batang Quiapo. Kung tatanggapin niya ang papel, ito ang posibleng simula ng kanyang pagbabalik sa showbiz matapos ang mahigit isang dekadang pamamahinga.
Sa ngayon, nasa kanya ang bola. Ronnie Carrasco III