Home OPINION JOB FAIR, ATBP., HINDI KAYA ISANG URI NG ELECTIONEERING?

JOB FAIR, ATBP., HINDI KAYA ISANG URI NG ELECTIONEERING?

MATANONG natin si Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia: Hindi ba lumalabag sa batas-halalan ang ginagawa ng administrasyong Marcos na pagkaray sa iba’t ibang opisyal ng pamahalaan at ahensya ng mga ito sa pangangampanya para sa halalang Mayo 12, 2025?

Batay ito sa isinagawang job fair sa Tagum City, Davao del Norte nang magsagawa sina Pangulong Bongbong Marcos at mga kandidato nitong senador at lokal roon.

Sa ibang salita, hindi ba gumagawa ng electioneering ang mga opisyal at tao, partikular ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development at Department of Labor and Employment at kaugnay na ahensyang lokal ng mga ito, sa isinagawang job fair?

Sinasabing nakinabang ang nasa 3,000 miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na gradweyt na sa programa.

Tinawag na Trabaho para sa Bagong Pilipinas ang job fair na pinangunahan ng DSWD at DOLE .

Isa pang kaugnay na usapin dito, hindi ba bawal ding gamitin ang mga sasakyan at iba pang materyales ng pamahalaan sa pangangampanya?

Kung may exception man dito, ‘yung mga tao at gamit lang para sa seguridad at kaugnay na usapin ang pinapayagang lumahok at gamitin.

Totoo na exempted sa pagbabawal sa halalan ang mga aktibidad ng mga tauhan ng gobyerno ang pamimigay ng iba’t ibang anyo ayuda ng DSWD at DOLE.

Subalit kung kambal ang mga ito sa kampanya ng mga kandidato, wala kayang paglabag sa batas ng Comelec na anti-electioneering?

Kaugnay nito, ayon sa mga pahayag mismo ni Chairman Garcia, bawal ang magpakain, mamigay ng anomang bagay sa mga dumadalo sa mga kampanya at iba pa na anyo ng panghihikayat o pambili ng boto.

Ang naganap bang job fair na isinagawa, hindi ba isang uri ito na dapat ipagbawal?

Dapat linawin ng Comelec ang ganitong mga job fair at katulad na mga programa na isinasabay sa pangangampanya.