Home NATIONWIDE Joey Reyes, nais pababain presyo ng sine tickets

Joey Reyes, nais pababain presyo ng sine tickets

1
0
📷 Cesar Morales

MANILA, Philippines – Iginiit ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) chairperson at direktor Jose Maria “Joey” Reyes na mas dapat pababain kaysa dagdagan ang presyo ng movie tickets upang mahikayat ang publiko na muling manood sa mga sinehan.

Inihayag ito ni Reyes nitong Miyerkules sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media sa mga panukalang batas na naglalayong bumuo ng National o Philippine Film Commission.

Tinalakay sa pagdinig ang probisyon sa Senate Bill No. 479 na magpapataw ng ₱2 “special film commission tax” sa bawat movie ticket na ibebenta sa bansa sa loob ng 20 taon upang makatulong sa pagpopondo sa film commission.

Tinanong ni Sen. Robin Padilla, chairman ng komite, kung pabor si Reyes sa naturang dagdag-singil lalo’t mataas na rin umano ang presyo ng sine tickets.

“Dapat nga bawasan yung presyo ng ticket, hindi dagdagan,” tugon ni Reyes.

Ayon sa direktor, maaaring humanap ang pamahalaan ng ibang paraan upang pondohan ang film commission sa halip na magdagdag ng panibagong singil sa moviegoers.

Giit niya, dapat pangunahing layunin ng mga hakbang para sa industriya na maibalik ang mas maraming Pilipino sa mga sinehan.

“Ang importante ay manood ang tao ng sine. At manonood ang tao ng sine kung ibaba mo ang presyo ng ticket,” ani Reyes.

Sinuportahan naman ni Directors’ Guild of the Philippines Inc. Board of Trustee member at direktor Carlos Siguion-Reyna ang posisyon ni Reyes.

Ayon kay Siguion-Reyna, dapat humanap ng paraan upang hindi na tumaas ang presyo ng movie tickets at, kung maaari, ay mapababa pa ito.

Isa ang Senate Bill No. 479 sa mga panukalang tinatalakay sa Senado para sa pagbuo ng Philippine Film Commission. Ayon sa opisyal na Senate record, inihain ito ni Sen. Jinggoy Estrada noong Hulyo 14, 2025 at nakatuon sa pagsusulong at pagpapaunlad ng industriya ng pelikulang Pilipino. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here