OLONGAPO CITY – Umabot sa “danger” level ang heat index sa Olongapo City nitong Miyerkules, Oktubre 21, matapos maitala ang 44.6 degrees Celsius (°C) na damang init sa isang bahagi ng lungsod.
Batay sa datos ng Olongapo City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), naitala sa Barretto automated weather station ang 44.6°C heat index dakong 8:56 ng umaga.
Umabot naman sa 42°C ang heat index sa Old Cabalan station, na pasok din sa danger category.
Mas mataas pa ang naitalang damang init sa Barretto nitong Martes, Oktubre 20, nang pumalo ito sa 45.9°C dakong 1:40 ng hapon. Umabot naman sa 44°C ang Old Cabalan sa parehong araw.
Pinakamataas ngayong linggo ang 46°C na naitala sa parehong Barretto at Old Cabalan stations nitong Lunes dakong alas-2 ng hapon.
Samantala, umabot naman sa 46.6°C ang pinakamataas na heat index na naitala sa Barretto ngayong Oktubre, noong Oktubre 4.
Ayon sa PAGASA, kabilang sa “danger” category ang heat index na nasa 42°C hanggang 51°C. Sa ganitong antas, posibleng makaranas ng heat cramps at heat exhaustion habang maaaring mauwi sa heat stroke ang tuloy-tuloy na pagkabilad sa matinding init.
Ang heat index o “damang init” ay tumutukoy sa temperaturang nararamdaman ng katawan kapag isinasaalang-alang ang aktuwal na temperatura ng hangin at relative humidity.
Pinapayuhan ang publiko na bawasan ang mabibigat na aktibidad sa labas, manatili hangga’t maaari sa malamig o may lilim na lugar, at regular na uminom ng tubig upang maiwasan ang heat-related illnesses. RNT