PANGASINAN — Sugatan ang isang tricycle driver matapos umano siyang habulin at pagsasaksakin ng isang lalaki habang nagja-jogging sa Barangay Poblacion, Mangaldan, Pangasinan nitong Martes ng madaling araw.
Nakunan sa CCTV ang paghahabol ng suspek sa biktima bandang alas-2 ng madaling araw bago ito ilang ulit na saksakin sa katawan.
Sinabi ng Mangaldan Police Station na nakainom umano ang suspek nang magkaroon sila ng pagtatalo ng biktima. Nakakuha umano ng tubo ang biktima at naipanghampas ito sa suspek, na pansamantalang umalis sa lugar.
Makalipas nito, bumalik umano ang suspek na armado na ng kutsilyo at hinabol ang biktima bago ito pinagsasaksak.
Sa follow-up operation ng pulisya, naaresto ang suspek, na isang butcher. Inamin umano nito ang ginawa at humingi ng tawad sa biktima.
Nahaharap ang suspek sa reklamong frustrated homicide.
Patuloy namang kinukuha ang panig ng biktima kaugnay ng insidente. Mary Anne Sapico