SA panahong mabilis na binabago ng AI (Artificial Intelligence ) ang mundo ng pamamahayag, mahalagang magkaroon ng mga organisasyong handang sumuporta sa pagpapalawak ng kaalaman at kakayahan ng mga mamamahayag. Isa sa mga kompanyang nagpakita ng suporta sa ganitong adhikain ang Japan Tobacco International.
Isang konkretong patunay nito ang isinagawang dalawang araw na seminar-workshop kung saan naging kalahok ang mga opisyales at delegadong miyembro ng National Press Club noong Nobyembre 5–6, 2026 sa Clark, Pampanga. Ang naturang aktibidades ay may temang “AI and Multi-Platform Storytelling for Journalists.” Sa tulong ng JTI Koshukai at iACADEMY, nabigyan ng pagkakataon ang mga mamamahayag na mas maunawaan ang paggamit ng AI sa makabagong newsroom at sa iba’t ibang plataporma ng pamamahayag.
Tinalakay sa seminar ang mga praktikal na aplikasyon ng AI sa pagbuo ng mga balita, pagpapabilis ng editorial processes, pagberipika ng impormasyon at pagpapahusay ng digital storytelling. Kabilang sa mga naging tagapagsalita sina Richard Glenn Arboleda at Dennis Gadil ng JTI Koshukai at mga eksperto mula sa iACADEMY. Katuwang ang mga masisipag na organizer mula sa Comm&sense, mas madaling nakamit ang mga layunin ng programa.
Hindi maikaiila na malaking tulong ang AI sa pagpapabilis ng trabaho ng mga mamamahayag. Subalit kaakibat nito ang responsibilidad na tiyakin ang katumpakan, kredibilidad at pagiging patas ng bawat impormasyong inilalathala. Hindi dapat palitan ng teknolohiya ang kritikal na pag-iisip, propesyonal na paghuhusga at integridad ng isang tunay na mamamahayag.
Sabi nga ng isa sa mga resource speaker mula sa iACADEMY na si Bennett Tanyag, kailangan pa rin ang tinatawag na HITL o human-in-the-loop habang ginagamit ang bagong teknolohiya. Ibig sabihin ay kailangan pa rin ng human judgment at intervention sa automated responses ng AI. Isa ring makabuluhan ang multimedia reporting workshop na itinuro sa amin ni Ian Chester Inoy.
Muli, ipinahahatid natin ang taos-pusong pasasalamat sa napakalaking tulong ng JTI sa pagbubukas ng mga oportunidad para sa pagpapaunlad ng kaalaman at kakayahan ng mga mamamahayag. Sa gitna ng pag-usbong ng AI, dapat manatiling pangunahing sandigan ng pamamahayag ang katotohanan, integridad, kredibilidad at tiwala ng publiko.






