MALAPIT nang matapos ang paglilitis sa kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, lalo’t hanggang nasa 8-10 na lamang ang mga testigo na tatayo para sa kanyang depensa.
Kaugnay nito, kailangang-kailangan na ang pagpapalabas ng Supreme Court ng desisyon ukol sa minimum na boto o threshold para maideklara siyang guilty.
Matatandaang ibinaba ng Senate impeachment court ang boto na 16 mula sa 24 na kabuuang bilang ng mga miyembro ng Senado sa 14 batay sa 20 nakadadalo sa paglilitis.
Natapos na ang lahat ng proseso mula sa pagsusumite ng petisyon nina Senator-Judge Bong Go at Robin Padilla, PDP-Laban at iba pa at hanggang pagsagot ng impeachment court sa petisyon at tinatalakay na ito ng Supreme Court.
Maaari nang matapos ang paglilitis sa impeachment sa buwan ng Disyembre at magpapasya na rin kung guilty sa botong 14 si VP Sara.
Kaya naman, dapat naaangkop dito ang panahon ng paglalabas ng Hukuman ng desisyon nito.
Siyempre pa, inaasahang bago o mismo sa araw ng pagdedesisyon impeachment court maglabas ang Hukuman ng desisyon nito upang walang malabag na karapatan ng akusadong si VP Sara at ng mahigit 32 milyong bumoto sa kanya para maging Pangalawang Pangulo.
Hindi mahalaga ang petsang paglabas ng desisyon ng Supreme Court sakaling ma-acquit o mapawalang-sala siya, ngunit iba ang mangyayari kung madeklara siyang guilty sa botong 14.
Malinaw ang botong 16 batay sa tadhana ng Article XI, Section 3(6) na nagsasabing, “No person shall be convicted without the concurrence of two-thirds of all the Members of the Senate.”
Ngunit para sa impeachment court, magbabatay lang ang 2/3 o dalawang katlong boto ng 20 dumadalong senator-judge sa paglilitis kaya 14 boto lang ang kailangan.
Walang kapangyarihan ang mga senator-judge na amyendahan ang Konstitusyon, ayon kina SJ Go, Padilla at iba pa.
Kayo riyan sa Supreme Court, ang desisyon nasaan na?






