Home OPINION PAGPIGIL NG HOA SA RIDERS, SEGURIDAD, OO, PANININGIL, HINDI!

PAGPIGIL NG HOA SA RIDERS, SEGURIDAD, OO, PANININGIL, HINDI!

1
0

MAY mga reklamo ang ilang delivery riders na sinisingil sila ng entrance fee bago makapasok sa subdivision upang maihatid ang mga order ng mga residente. Pero pinapayagan ba ng batas ang ganitong uri ng paniningil?

Batay sa DHSUD (Department of Human Settlements and Urban Development) Memorandum Circular No. 2024-006, ipinagbabawal sa mga HOA (homeowners association) na harangin ang mga delivery rider at utility service provider sa pagpasok sa subdivision o singilin sila ng gate fee, toll o anomang katulad na bayarin habang naghahatid ng mga produkto at serbisyo na inorder ng mga residente.

Alinsunod din ito sa Republic Act No. 9904 o Magna Carta for Homeowners and Homeowners’ Associations.

Gayunman, hindi nangangahulugang walang karapatang magpatupad ng mga patakaran ang HOA. Maaari pa rin itong magtakda ng mga hakbang para sa seguridad ng mga residente, gaya ng pag-iwan ng identification card, pagpaparehistro sa logbook at iba pang makatwirang pamamaraan upang matiyak ang pagkakakilanlan ng mga pumapasok.

Ang hindi pinapayagan ay ang paniningil para lamang makapasok at maihatid ang inorder ng residente.

Paano naman ang mga sasakyang naghahatid o sumusundo ng pasahero?

Ang paghatid at pagsundo ng pasahero ay maituturing na pagbibigay ng serbisyo. Dahil malinaw na binabanggit sa naturang regulasyon ang paghahatid ng mga produkto at serbisyo, may batayan upang kwestyunin ang paniningil ng gate fee sa mga service provider na nagsasagawa ng ganitong transaksyon.

Hindi lamang mga delivery rider ang maaaring maapektuhan ng ganitong patakaran. Pati ang mga residente ang posibleng mahirapan kung sisingilin pa ang kanilang mga booking. Maaaring tanggihan ng mga driver ang biyahe kapag nalaman nilang may dagdag na bayarin sa pagpasok sa subdivision.

Sa halip na makatulong, ang ganitong paniningil ay maaaring maging dagdag na pasanin sa mga residente at sa mga manggagawang naghahatid ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Kaya naman kung sa usapin ng seguridad ng bawat tahanan sa subdivision, oo ang sagot. Pero kung usapin ng paniningil sa pagpasok, hindi ay makatwiran.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here