MANILA, Philippines- Nag-recuse ang isang judge sa pagdedesisyon sa disqualification petition na inihain ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa dalawang hukom ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kinahaharap na crimes against humanity case.
Sa 4-page document na may petsang May 23, sinabi ng ICC Plenary of Judges na nag-recuse si Judge Beti Hohler mula sa petisyon noong May 13 dahil sa nauna niyang papel sa prosecution trial lawyer sa kaso ng Pilipinas noong 2019 hanggang 2022.
Pinayagan naman ng ad hoc Presidency na binubuo nina Judge Tomoko Akane, Judge Rosario Salvatore Aitala, at Judge Luz del Carmen Ibáñez Carranza ang kanyang request.
Nauna nang hiniling ng kampo ni Duterte sa ICC Presidency na idiskwalipika sina Judge Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou at Judge María del Socorro Flores Liera sa paghatol dahil sa isyu ng hurisdiksyon.
Iginiit nilang matitiyak ng diskwalipikasyon ang “autonomy and irreproachability of the judges as well as the efficient conduct of the proceedings.”
Subalit, tinabla ng ICC Pre-Trial Chamber 1 ang apela ng Duterte camp. RNT/SA