Home NATIONWIDE Julian nag-iwan ng P481M pinsala sa agrikultura sa Pinas

Julian nag-iwan ng P481M pinsala sa agrikultura sa Pinas

MANILA, Philippines- Lumabas na sa Pilipinas ang Supertyphoon “Julian” (international name: Krathon).

Sa paglabas sa bansa ni Julian ay nag-iwan naman ito ng limang kataong patay at dahilan ng pinsala sa agriculture sector na umabot sa P481.27 milyon ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na inabandona na ni Julian ang Philippine Area of Responsibility ng alas-8 ng umaga, araw ng Biyernes, at huling nakita sa 480 kilometro sa hilaga ng Itbayat, Batanes.

Inihayag pa ng NDRRMC na may isang katao ang nananatiling nawawala habang walo naman ang sugatan, may 242,973 indibidwal, o 69,290 pamilya na karamihan sa Northern Luzon, ang apektado.

Kapwa nagdeklara naman ang lalawigan ng Ilocos Norte at Batanes ng state of calamity habang patuloy naman ang NDRRMC sa pagta-tally ng mga report ng pinsala.

Sinabi ng NDRRMC na ang pinsala sa imprastraktura ay umabot sa P738.15 milyon habang sa agrikultura naman ay P309.16 milyon, subalit sinabi ng Department of Agriculture (DA), araw ng Biyernes na umabot na ito sa P481.27 milyon.

Sa kabilang dako, lumipad naman si Pangulong Marcos patungong Ilocos Norte at Batanes para personal na inspeksyunin ang pinsala at nagpahayag ng pangamba sa umusbong na problema sa sektor ng sakahan.

Sa pinakabagong bulletin nito, iniulat ng Disaster Risk Reduction and Management Operations Center ng DA na may 20,134 magsasaka sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley at Central Luzon ang apektado.

Winalis ng masamang panahon ang 19,151 metric tons (MT) ng naaning bigas at mais sa 13,488 ektarya ng lupain.

“As field assessments and validations continue, further damage and losses are expected in the affected regions, particularly on palay in Cagayan Valley,” ang sinabi ng DA.

“Rice suffered the most from Julian, with losses amounting to P348.42 million or 72.39 percent of the overall damage. The majority of the 17,585 MT of rice produce was in the reproductive and maturity stages.Corn accounted for P35.75 million or 7.43 percent of the total. The natural calamity damaged 1,514 MT of corn produce, mostly in the vegetative and maturity stages,” ayon pa rin sa DA.

Ang iba pa ayon sa DA na mga kalakal at pasilidad na naapektuhan ay ang irrigation facilities (P92.68 million), high-value crops (P3.96 million) at livestock at poultry (P472,550).

Sa mga sunod-sunod na bagyo at El Niño phenomenon na tumama sa bansa sa mga nakalipas na buwan, nasirang ang 502,680 MT ng bigas.

“Alone, the El Niño-inducted dry spell that ended in June ruined 330,717 MT of rice,” ayon sa final bulletin ng DA sa weather phenomenon na naka-post noong Agosto.

Sa pagtatantiya ng DA, ang bansa ay nawalan ng 500,000 MT hanggang 600,000 MT na palay production taon-taon dahil sa mga bagyo at iba pang natural calamities. Kris Jose