Home NATIONWIDE Kaanak ng 2 nawawalang Pinoy sa Myanmar quake nagbigay ng DNA sample

Kaanak ng 2 nawawalang Pinoy sa Myanmar quake nagbigay ng DNA sample

MANILA, Philippines – Nagbigay ng DNA samples ang mga kaanak ng dalawang Pinoy na nawawala matapos ang malakas na lindol na yumanig sa Myanmar.

Ito ay upang mapabilis ang paghahanap para sa kanilang mga kaanak.

Nitong Lunes, Abril 21, ibinahagi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, na sinamahan nila ang mga kaanak ng mga nawawalang Pinoy sa Myanmar patungo sa National Bureau of Investigation (NBI) noong nakaraang linggo.

“May dalawa pang mag-asawa na hindi pa naa-identify, pero pumunta rito sa Maynila galing Dumaguete, galing Negros Oriental yung mga kamag-anak ng mag-asawa. Dinala namin sa NBI last week para magbigay ng DNA sample,” sinabi ni de Vega sa isang panayam.

Ayon sa opisyal, dalawang hindi tukoy na labi ang na-cremate matapos ang lindol.

Ani De Vega, bago i-cremate ang mga katawan ay nakakuha ang Philippine embassy sa Yangon ng DNA samples ng mga ito.

“May dalawa kasing bangkay na parang sila yun eh. Tapos sinunog, pero bago sinunog, bago kinremate sa Myanmar, ang ating embassy ay nakakuha ng buhok o ngipin para lang ma-match sa DNA,” pahayag ni De Vega.

“Kaya malalaman natin in the next few weeks sa NBI dito kung may confirmation na,” dagdag pa.

Matatandaan na kinumpirma ng pamahalaan noong Abril 10 na natukoy at nahanap na ang ikalawang nasawing Pinoy sa lindol sa Myanmar.

Sa ngayon ay dalawang Filipino na lamang ang hindi pa rin natatagpuan matapos ang kalamidad. RNT/JGC