Home OPINION KABATAAN VS POLITIKO SA BANGLADESH

KABATAAN VS POLITIKO SA BANGLADESH

99
0

HUMUPA na nang malaki ang karahasang kakambal ng mga protesta laban sa pamahalaan ng bansang Bangladesh.

Habang tinitipa ito, mga Bro, hindi na nadagdagan pa ang bilang ng mga patay na 165 sa hanay ng mga nagpoprotesta at pamahalaan simula kahapon.

Sa 165 na patay, dalawa umano rito ang pulis habang nasa 150 ang nagtamo ng mga seryosong sugat sa parte ng mga pulis at raliyista at nasa 150 rin ang nagkaroon ng mas maliliit na sugat.

Karamihan sa mga namatay ang tinamaan ng bala ng baril.

Umabot naman ng mahigit 500 ang inaresto at ibinilanggong nagprotesta.

HUMUPA SA DESISYON NG KORTE

Ang pagdedesisyon ng Korte Suprema nitong nakaraang Linggo pabor sa mga raliyista sa isyung sistemang quota sa empleyo sa gobyerno ang nagpahupa sa komprontasyon.

Kinalos ng Korte Suprema ang malaking pribilehiyo sa pag-empleyo o sistemang quota pabor sa iilang grupo.

Sa halip na 56 porsyento ng lahat ng empleyado ng gobyerno para sa lahi ng mga beterano sa rebolusyon laban sa Pakistan para sa kanilang pambansang kalayaan at ilang naghaharing uri, ginawa na lang itong 7%  ng Korte Suprema at, kung ganoon, may oportunidad na ang nakararami na makapagtrabaho sa pamahalaan.

Pinag-aagawan ang empleyo sa gobyerno dahil sa mataas na sahod at matagalang empleyo kumpara sa mababang sahod at alanganing security of tenure o seguridad sa trabaho sa mga pribadong kompanya.

Ayon sa mga sumusubaybay sa nagaganap sa Bangladesh, ang mga estudyante at kabataan ang nagpasimula ng mga protesta dahil sila ang pangunahing naapektuhan o nawalan ng oportunidad sa nasabing quota sa empleyo na 56%.

Sa 400,000 na gumagradweyt sa kolehiyo taon-taon, nasa 20,000-30,000 lang ang nakapapasok sa gobyerno kaya nagiging matinding isyu sa mga kabataan ang sistemang quota.

Sinamantala o sinakyan naman ito ng mga politikong oposisyonista laban kay Prime Minister Sheikh Hasina at pamahalaan nito.

Sabi ng mga politiko na kalaban ni Hasina, hindi na lang sistemang quota ang isyu kundi ang pagpapalit ng pamunuan ng bansa at pagpapabagsak sa administrasyong Hasina na apat beses nang inihalal, kabilang sa nakaraang eleksyon nitong Enero 2024.

HALATA ANG PAMUMULITIKA

Heto ngayon, mga Bro.

Nang ideklara ng lider ng mga estudyante na hindi dapat madiligan ng dugo o kamatayan ang kanilang ipinaglalaban bilang mga kabataan, bigla ring nawalan ng pwersa sa protesta ang mga politiko at ngayon mapayapa na ang Bangladesh.

Natitirang isyu na lamang ang pagpapalaya sa mga detenido at pagtanggal ng curfew at kahilingang ibalik na ang internet at mga diaryong isinara at pagkumpuni sa sinunog ng mga raliyesta na Bangladesh Television na pag-aari ng gobyerno.

Siyempre pa, kung hindi magkakapatawaran, maaaring may mga sampahan ng kaso laban sa mga nasa pamahalaan dahil sa mga namatay at panununog at paninira ng mga ari-arian laban naman sa mga protester.

Ano naman kaya ang pananagutan ng mga politiko na sumakay at gumamit sa mga kabataan para sa pansarili nilang mga interes?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here