Home NATIONWIDE Kabi-kabilang outages sa PH grids iimbestigahan ng DOE

Kabi-kabilang outages sa PH grids iimbestigahan ng DOE

59
0

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Energy Secretary Sharon Garin ang full investigation sa malawakang transmission line trippings na nagdudulot ng kabi-kabilang power interruptions sa Luzon at nagpalala ng kondisyon ng suplay sa Visayas grid.

Ani Garin, kabilang sa outage ang dalawang major 500-kilovolt (kV) transmission corridors na nagtataglay ng 12 percent ng electricity supply ng Luzon.

“An incident of this scale demands full technical disclosure, clear accountability and immediate corrective action,” sinabi ni Garin.

Inatasan niya ang Grid Reliability Task Force (GRTF) na imbestigahan ang nangyaring tripping noong Mayo 13 ng Tayabas-Ilijan at Ilijan-Dasmariñas 500-kV transmission lines na pinatatakbo ng National Grid Corp. of the Philippines (NGCP).

Ayon sa Department of Energy (DOE), dahil sa insidente ay nadisconnect ang 2,462.1 megawatts (MW) ng natural gas capacity mula sa Luzon grid, na nagdulot ng malawakang outages sa Luzon.

Ilang minuto lamang matapos ang pagkaantala sa transmission ay nadisconnect din mula sa grid ang Ilijan Blocks A at B at ilang unit ng Excellent Energy Resources Inc.

Dahil dito ay hindi nailipat ang suplay ng kuryente mula Luzon patungong Visayas na sa mga oras na iyon ay nasa ilalim ng critical supply conditions na rin ang Visayas grid.

Ang GRTF ay binubuo ng DOE, Energy Regulatory Commission, Independent Electricity Market Operator of the Philippines, TransCo at PSALM. Magsasagawa ang mga ito ng technical assessment upang alamin ang puno’t dulo ng mga pagkaantala.

Nauna nang hiningi ng DOE ang kumpletong operational data, incident reports at technical findings mula sa NGCP.

Ang imbestigasyon ay kasunod ng sunod-sunod na red at yellow alert status ng NGCP sa Luzon at Visayas grids dahil sa kulang na suplay ng kuryente.

Sa abiso, sinabi ng NGCP na ang Luzon grid ay nasa ilalim ng red alert mula alas-2 ng hapon hanggang alas-11 ng gabi nitong Biyernes, at nasa ilalim ng yellow alert status mula ala-1 ng hapon hanggang alas-2 ng hapon, at alas-11 ng gabi hanggang hatinggabi.

Ang available capacity sa Luzon ay nasa 12,075 MW kumpara sa peak demand na 12,927 MW. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here