MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad na gawing available ang abot-kayang bigas mula sa Kadiwa stores sa supermarkets at convenience stores.
Ayon kay DA spokesperson Arnel de Mesa, nakipagpulong na ang DA sa mga namumuno ng malalaking supermarket chains at convenience stores upang talakayin ang plano. Pumayag ang mga ito na ibenta ang Kadiwa rice sa kanilang mga tindahan sa parehong presyo tulad ng sa mga Kadiwa stalls.
Kapag natupad ang plano, maaaring makabili ang mga konsyumer ng bigas sa iba’t ibang presyo, kabilang ang P29/kilo Kadiwa rice, P36/kilo “Sulit Rice” (purong durog na bigas), at P38/kilo “Rice-for-All” (halo ng durog na bigas). Kung ikukumpara, ang imported rice na may parehong kalidad ay ibinebenta sa P45 per kilo, kaya’t mas mura ang bigas na galing sa lokal na produksyon.
Sa kasalukuyan, ang Kadiwa rice ay binebenta sa iba’t ibang lokasyon, kabilang na ang mga stalls sa ilang MRT-3 at LRT-2 stations. RNT