Home NATIONWIDE Kahalagahan ng pagprotekta sa teritoryo, soberanya ng Pinas iginiit ni PBBM

Kahalagahan ng pagprotekta sa teritoryo, soberanya ng Pinas iginiit ni PBBM

MANILA, Philippines- Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kahalagahan ng pagpapatuloy na paglaban para sa kalayaan lalo na ang protektahan ang teritoryo at soberanya ng bansa.

Bagama’t wala namang binanggit na anumang bansa sa kanyang mga sinabi sa kanyang vlog na may pira-pirasong pahayag naman mula sa kanyang keynote speech sa International Institute for Strategic Studies’ Shangri La Dialogue kung saan kinastigo nito ang ilegal na pagpasok ng Tsina sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

“Sa nakaraang 126 taon at hanggang ngayon ay patuloy nating pinaglalaban ang ating kalayaan, kalayaan sa iba’t ibang aspeto ng ating pagka-Pilipino, higit dito, kalayaan sa ating teritoryo at ating soberanya,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang vlog na naka-upload sa kanyang social media pages.

“Kaya walang pagod ang ating pagbabantay, walang katapusan ang ating pakikipagpulong sa ibang bansa upang matulungan din tayong maisulong ang ating kapakanan at karapatan,” ang winika pa ni Pangulong Marcos.

Hindi naman aniya lingid sa kaalaman ng publiko ang mga inilunsad na cultural projects ng gobyerno para patuloy na ipreserba ang pagkakakilanlan ng mga Pilipino.

Dahil dito, hinikayat ng Pangulo ang mga Pilipino na aktibong magpartisipa sa events ng paggunita ng ika-126 anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan sa Hunyo, 12, araw ng Miyerkules.

“Itong buwan ng kalayaan, gisingin pa natin ang ating diwa sa pagka-Pilipino, buhayin ang mga nasyonalismo sa ating dugo at iwagayway ang bandilang Pilipino,” pahayag ni Marcos.

“Dapat makilahok tayong lahat sa pagdiriwang na ito. Dapat ay ipakita natin at iwagayway natin ang ating watawat para maalala din natin at lahat ng makakakita ang buhay ng Pilipino at ang kasaysayan ng Pilipino,” dagdag niya.

Kabilang naman sa government-sponsored Independence Day activities mula Hunyo 10 hanggang 2 ang cooking competitions, chili-eating contests at obstacle courses sa kahabaan ng Luneta.

Mayroon din aniyang mga booth na magbebenta ng lokal na produkto, parada ng 22 floats, at free concert sa Quirino Grandstand tampok ang girl group na BINI.

“Kaya samahan niyo kami. Dalhin ang inyong pamilya, ang inyong mga kaibigan at higit sa lahat ang inyong pagka-Pilipino at makilahok sa selebrasyon ng ating ika-126 na Araw ng Kalayaan,” paanyaya ng Pangulo.

Samantala, inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na may ilang bahagi ng Roxas Boulevard at kalapit na kalsada gaya ng Kalaw, UN Avenue, P. Burgos at Maria Oroso ang isasara sa mga sasakyan sa nasabing petsa upang bigyang-daan ang pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan. Kris Jose