MANILA, Philippines- Tiniyak ng National Electrification Administration (NEA) sa publiko na “ganap na nakahanda” ang energy sector ng Pilipinas at mayroong matatag at sapat na electricity supply sa panahon ng national at local elections.
Ayon kay NEA deputy administrator for technical services Engineer Ernesto Silvano Jr., inihanda nang husto ng ahensya ang masusing koordinasyon na may electric cooperatives (ECs) upang masiguro na ang eleksyon ay maging maging maayos.
“Ang Philippine energy sector, sa pamamagitan ng Energy Task Force Election or ETFE… ay fully prepared para tiyakin na stable at sapat ang supply ng kuryente sa darating na eleksyon bukas,” ang sinabi ni Silvano.
Winika ni Silvano na nagpalabas na ang ahensya ng ilang direktiba sa 121 ECs sa ilalim ng saklaw nito bago pa ang eleksyon, nanawagan sa mga ito na magpatupad ng ‘preventive at corrective maintenance’ sa lahat ng distribution utility lines at mga pasilidad.
Ipinag-utos din nito sa ECs na magsagawa ng ‘line clearing activities’ at mag-inspeksyon ng ‘feeders at lines’ lalo na iyong konektado sa voting centers.
“Ang NEA at ang mga ECs ay naka-standby at mahigpit na nagmo-monitor para masigurong tuloy tuloy ang supply ng kuryente lalo na ngayong papalapit na ang eleksyon,” aniya pa rin.
Winika pa ng NEA na may 72 personnel ay ‘on call’, 24/7 power monitoring simula pa noong May 5. Patuloy na ipinatutupad nito ang dalawang shifts kada araw, at ipatutupad ang tatlong shifts kada araw, araw ng Linggo, may 11 at araw ng Lunes, araw ng eleksyon.
Sinabi pa ni Silvano na noon pa ay nanawagan na siya sa ECs na ipagpatuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa ahensya, at tiyakin na ang kanilang quick response teams (QRTs) ay nakahanda na para hawakan ang anumang posibleng usapin.
At kung mayroon man aniya na hindi inaasahang pagkawala sinabi ni Silvano na ang interruptible load program (ILP) ay maaaring ipatupad.
“Sa publiko naman po, mag-report kaagad kung meron mang ganong outage para po matugunan ng EC at kung sino mang agency and kailangang tumugon doon sa ganong sitwasyon,” ang sinabi pa rin nito. Kris Jose