MANILA, Philippines – TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na handa ang gobyerno at mahigpit na binabantayan ang situwasyon sa ‘ground’ habang nananalasa ang Tropical Storm Enteng (international name Yagi) na nagpabaha sa ilang bahagi ng Luzon at bahagi ng Visayas.
Sinabi ni Pangulong Marcos na may template na ang gobyerno na sinusunod ng mga ahensiya ng pamahalaan at local government units (LGUs) sa pagtugon sa pangangailangan ng mga tao, idagdag pa ang mga pangangailangan at kagamitan ay naka-deploy ng ‘advance.’
“We’re prepared for the aftermath of all of this, and as usual,nag-forward placement na tayo ng mga pangangailangan, we will just have to wait for the weather to see what it will do,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Hopefully, umiwas sa atin, but even if it does not, we have all the elements in place to support our peoplena mahihirapan dahil dito sa naging Bagyong Enteng,” ang dagdag na pahayag ni Pangulong Marcos.
Hinggil naman sa pag-anunsyo ng ‘class at work suspension,’ nangako naman si Pangulong Marcos na magpapalabas ng advisories “as early as possible.”
“Ang instruction ko sa kanila, kung maaari bago tayo matulog alam na natin kung may pasok bukas o hindi. Para makapag-adjust naman ‘yung mga tao,” aniya pa rin.
Nauna rito, sinuspinde ng Malakanyang ang ‘government work at classes’ sa lahat ng antas sa Metro Manila, araw ng Lunes dahil sa masungit na panahon na dala ni Enteng.
Dalawang katao naman ang napaulat na namatay habang 10 iba pa ang nasugatan dahil sa Tropical Storm Enteng at southwest monsoon (habagat), ayon sa pinakabagong update National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Kris Jose