Home METRO Kahandaan sa ‘The Big One’ ipinakita ng kapulisan sa Maynila

Kahandaan sa ‘The Big One’ ipinakita ng kapulisan sa Maynila

Nagsagawa ng earthquake drill ang mga personnel at non-personnel ng Manila Police District (MPD) nitong hapon ng Biyernes bilang paghahanda sa anumang hindi inaasahang pagyanig.

Eksaktong alas-2 ng hapon ng tumunog ang hudyat para lumikas ang mga personnel sa kani-kanilang mga opisina.

Ito na ang second-quarter National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na isinagawa rin ng ibat-ibang establisyimento at tanggapan ng mga ahensya ng gobyerno.

Nauna na ring hinikayat ni Defense Secretary and National Disaster Risk Reduction and Management Council chair Gilberto Teodoro Jr ang publiko na gawing seryuso ang NSED.

Binigyang-diin din ni Manila Police District Director P/Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay ang kahalagahan ng pagiging laging handa upang maiwasan ang anumang sakuna.

Sa mga kapulisan ng MPD, kasama na rin sa kanilang drill ang pagbitbit ng mahahalagang gamit tulad ng medical kit , bottled water, power banks, at iba pa.

Isa ring scenario sa isinagawang drill ang maingat na paglikas at pagrescue sa mga sugatan kung saan may mga naka-wheelchair at stretcher na kinuha mula sa ikalawang palapag ng gusali..(Jocelyn Tabangcura-Domenden)