Home METRO Kahera timbog sa nawawalang P3.7M ng kumpanya sa Pasay

Kahera timbog sa nawawalang P3.7M ng kumpanya sa Pasay

Dinakip ng mga tauhan ng Pasay City police ang isang kahera matapos madiskubre ang pagkawala ng pera ng kumpanya na nagkakahalaga ng P3.7 milyon nitong Miyerkules, Pebrero 28.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames ang inarestong suspect na si alyas Veronica, 30, kahera ng isang recruitment agency sa Pasay City.

Sinabi ni Mayames na naganap ang pag-aresto kay alyas Veronica dakong alas 5:00 ng hapon sa ikalawang palapag ng SKK Building na matatagpuan sa kahabaan ng Senator Gil Puyat Avenue (Buendia Avenue), Pasay City.

Naisakatuparan ang pagdakip sa suspect nang pigilan itong makalabas ng gusali ng nakatalagang security guard base sa reklamo ng director ng ahensya na isang Ameer pati na rin ang branch manager ng ahensya na si alyas Haneen.

Ayon kay Mayames, nadiskubre ni Ameer na nawawala ang P3.7 milyon na pera ng kanilang kumpanya at sa kanyang patuloy na pag-iimbestiga ay nalaman niya ang mga hindi awtorisadong transaksyon sa bangko sa pamamagitan ng pagpeke ng kanyang pirma ng suspect.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police si alyas Veronica na nahaharap sa kasong paglabag sa Article 169 (Forgery) at Article 310 (Qualified Theft) ng Revised Penal Code. (James I. Catapusan)

Previous articleEala umusad sa W50 Trnava quarterfinals
Next article10% amusement tax ng Pinoy films inilibre ng 3 taon