Inilibre na ng Metro Manila Council (MMC) ang 10 percent amusement tax para sa pagpapalabas ng lahat ng lokal na pelikula sa National Capital Region (NCR) sa susunod na tatlong taon para makatulong sa pagsuporta at pagsulong ng industriya ng pelikulang Pilipino.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting chair at Metro Manila Film Festival (MMFF) overall concurrent chair Don Artes na ang amusement tax ay “nagdaragdag ng pinansiyal na pasanin sa mga lokal na producer ng pelikula, na posibleng makaapekto sa sustainability ng Filipino film industry.”
Bilang tugon, ipinasa ng MMC ang resolusyon na i-waive ang tax na i-adopt naman ng bawat local government units sa Metro Manila.
“In support of the resolution, they will amend their respective local revenue codes to waive the amusement tax for Filipino movies exhibited in Metro Manila from Jan. 8 to Dec. 24 of every year for the next three years,” sabi ni Artes .
Sinabi ni film director Jose Javier Reyes,kinatawan ng Film Development Council of the Philippines sa isang pagpupulong na Ang kasalukuyang estado ng industriya ng pelikulang Pilipino ay “dismal” at bumaba ng husto.
Binanggit ni Reyes ang matagal na epekto ng Covid-19 pandemic, streaming platforms, piracy, at mabigat na pagbubuwis bilang ilan sa mga pinakamalaking hadlang na kinakaharap ng sektor ng pelikula.
Noong Enero, ang mga stakeholder sa local movie industry ay nagpahayag ng parehong pagkabahala kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa kauna-unahang Manila International Film Festival.
“The DILG is in full support to reinvigorate the Filipino filmmaking industry and help them by bringing back the local moviegoers into watching in cinemas again,” sabi ni Abalos. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)