Home OPINION KAHIRAPAN, GUTOM PINAKA SA MGA HAMON

KAHIRAPAN, GUTOM PINAKA SA MGA HAMON

MAY halalang darating o wala, itong problema sa kahirapan at kagutuman ang kabilang sa mga pinaka sa mga hamon sa pamahalaan at mga politiko.

Kung hindi gagaan ang buhay ng higit na nakararami sa 110 milyong Pinoy, malaki ang ibig sabihin nito.

‘Yun bang === bigo hindi lang ang gobyerno kundi maging ang mga halal na politiko at appointee nila sa paggampan ng tungkuling paglingkuran ang taumbayan.

63% O 76.2M MAHIHIRAP

Ayon sa Social Weather Station, nasa 63 porsyento o 76.2 milyong mula sa 110 Pinoy ang nagsasabing mahirap sila nitong 2024.

Ang masakit pa, ngayong lang naranasan ito sa nakalipas na 20 taon o mula 2003.

Sa pangkalahatan, noong 2022 at 2023, mga Bro, nasa 48% ng kabuuang mamamayang naghihirap pero naging 57% nitong 2024.

51% NAGUGUTOM

Karaniwang kakambal ng paghihirap ang kagutuman at sa huling tatlong buwan pa rin ng 2024, naitala na 51% o 61.7M ang nagugutom at pinakamatindi ito sa nakalipas na 20 taon din.

Para sa katamtamang sukatan sa buong taon, mula sa 35% noong 2023, lumundag ang bilang ng nagugutom sa 44%.

Anyare at naging parami nang parami ang naghihirap at nagugutomn makalipas ang halalan noong 2022?

PANGAKO NOON AT PANGAKO NGAYON

Aminin man o hindi ng pamahalaan at mga politiko, kahirapan at gutom ang isang sukatan ng tagumpay o kabiguan nila.

Kung darami ang naghihirap at nagugutom makaraan ang isang halalan, masamang larawan ito ng pamahalaan at nanalong mga politiko at bigo sila.

Tagumpay naman sila kung darami ang hindi naghihirap at hindi nagugutom.

Noong halalang 2022, kabilang sa mga pinakamahalagang pangako ang paggaan ng buhay ng mga mamamayan, botante man o hindi.

Ngunit nabigo sila lahat dahil mula 2022 hanggang 2024, dumami nga ang naghihirap at nagugutom at pinakamasama pa ang kanilang kalagayan sa nakalipas na 20 taon.

Nakapaloob ang pangako sa paggaan ng buhay mula 2022 hanggang 2024 sa kahulugan ng P20 kada kilo ng bigas at kabaligtaran ang nangyari.

Heto ulit tayo, mga Bro, sa halalang gaganapin sa Mayo 12, 2025 at tiyak ang pagbabalik ng pangako.

PAGIGING KONTENTO, PAGTITIWALA BUMULUSOK

Noong 2022, mataas ang pagiging kontento ng mga mamamayan sa paggampang ng tungkulin ng pamunuan ng pamahalaan, ayon sa RP-Mission and Development Foundation, Inc.

Kay Pangulong Bongbong Marcos, 83% ang kontento sa kanyang paggampan ng tungkulin at 81% naman kay Vice President Sara Duterte.

Noong 2023, ayon sa Oculum Research and Analytics Philippines, naging kontento kay VP Sara ang 79% habang 74% ang kay PBBM.

Pagdating ng 2024, bumulusok lahat ng rating sa satisfaction at pagtitiwala ng mga mamamayan sa lahat ng opisyal ng gobyerno at nadamay na rin ang gobyerno.

Malinaw na nabigo mismo ang mga opisyal at gobyerno sa pagtitiyak ng paggaan ng buhay ng higit na nakararami.

Uulitin ba ng mga magwawaging politiko at mga magiging appointee nila ang pangakong iangat ang buhay ng higit na nakararami sa halalan ngayon?

Ano-ano kaya ang pupwedeng gawin ng mga mamamayan kung muli silang mabigo at lalala pa ang kahirapan at kagutuman mula 2025 hanggang 2028?