MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang paglikha ng special task force na tutugis sa retired at active policemen na may arrest warrants kaugnay ng umano’y cover-up sa pagkakakumpiska sa halos P6.7 bilyong halaga ng droga sa Manila noong October 2022.
Inatasan ni Marbil si Lt. Gen. Edgar Alan Okubo, PNP Chief of Directorial Staff, na pangunahan ang pagbuo sa task force.
Sa 30 indibidwal na pinangalanan sa arrest warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court, 22 ang nananatiling aktibo sa serbisyo, dalawa ang retirado, at tatlo ang maagang nag-retire, isa ang nag-resign, at dalawa ang na-dismiss, ayon sa PNP nitong Miyerkules.
Subalit, ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, sa pagsusuri, 20 sa mga pinangalanan sa arrest warrant ang nananatili sa serbisyo: lima ang naka-assign sa National Capital Region Police Office; apat sa Police Regional Office (PRO) 1; dalawa sa PRO 4A; tatlo sa PRO 4B; tig-isa sa PRO 7, Civil Security Group (CSG), at Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU); at tatlo sa Headquarters Support Service.
“Magkakaroon ng meeting to discuss paano mai-implement itong mga warrants of arrest, not only sa 20 na active personnel. Alam din natin na meron ding retired diyan, resigned and dismissed,” pahayag ni Fajardo sa virtual press briefing.
Kabilang sa mga paglabag ng mga dati at kasalukuyang pulis ang umano’y pagtatanim ng ebidensya at pag-antala sa prosekusyon ng drug cases.
Ikakasa rin ang administrative cases laban sa mga aktibong pulis na posibleng masibak sa trabaho.
“Ang sabi ng ating chief PNP … gusto niya ay tuluyan na ma-dismiss itong mga pulis because of their involvement in this questionable police operation,” wika ni Fajardo.
“Sinasabi niya na unforgiving ang PNP pagdating sa mga wrongdoings ng ating mga kapulisan,” dagdag niya.
Nagmula ang kaso sa isang police operation noong October 2022 nang madakip ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) operatives ang isang drug pusher sa buy bust, na kalaunan ay nagdala sa mga pulis sa isang establisimiyento sa Manila kung saan narekober ang 990 kilo ng shabu.
Tinagurian ni dating Interior Secretary Benjamin Abalos ang pagkakasabat bilang “probably the biggest drug haul in the history of the Philippines.”
Kalaunan ay natuklasang pagmamay-ari ni Mst. Sgt. Rodolfo Mayo Jr., nagsilbing intelligence officer para sa PDEG, ang establisimiyento.
Naging kontrobersyal din ang kaso dahil sa umano’y pagtatangka ng ilang pulis na iligtas si Mayo. RNT/SA