Home METRO 121 pasahero ng distressed vessel na 6 araw nawala nasagip

121 pasahero ng distressed vessel na 6 araw nawala nasagip

ZAMBOANGA CITY- Nasagip ng Philippine Navy ang 121 pasahero ng isang distressed vessel na naiulat na halos isang linggong nawawala sa search and rescue operation sa Tawi-Tawi nitong Martes.

Natunton ng BRP Jose Loor Sr. ang distressed vessel, ang ML J Sayang 1, halos 5.4 nautical miles sa kanluran ng Siklangkalong Island, Tawi-Tawi na may 106 pasahero at 15 tripulante.  

Naglayag ang ML J Sayang 1 – stranded sa loob ng halos anim na araw dahil sa engine failure – mula Zamboanga City patungong Turtle Islands sa Tawi-Tawi noong Jan. 8 at nakaranas ng mechanical trouble malapit sa Pangutaran Island sa Sulu. 

Nakumpuni na ang makina subalit naanod ang bangka dahil sa masamang panahon hanggang sa mamataan ito ng mga mangingisda malapit sa Pearl Bank, Languyan, Tawi-Tawi.

Nagbigay ang Navy personnel ng tubig, pagkain, at medical aid sa mga pasahero. Gayundin, nagbigay sila ng internet service upang makontak ng mga pasahero ang kani-kanilang pamilya.

Ligtas na nakabalik ang vessel sa Taja Island, Pearl Bank, Tawi-Tawi kung saan bumaba ang mga pasahero. Lahat sila ay idineklarang nasa maayos na kondisyon at walang nakararanas ng psychological distress.

Dumating naman ang relief vessel ML Arneza at hinila ang ML J Sayang 1 sa huli nitong destinasyon sa Turtle Islands.

Binigyang-diin ng Philippine Navy at ng Philippine Coast Guard ang kanilang kooperasyon sa pagsusulong ng maritime safety. RNT/SA