Home OPINION KAHIT SANTO, HINDI SINASANTO NG SUNOG

KAHIT SANTO, HINDI SINASANTO NG SUNOG

GANAP na nasunog ang St. Ferdinand Parish Church sa Ilagan City, Isabela kamakalawa ng umaga.

Naglalagay umano ang ilang manggagawa ng mga electric fan sa bubong nang may simiklab at doon na nagsimula ang sunog.

Sa loob lamang ng isang oras, nasunog lahat: Bubong, mga bintana at dinding.

Nasunog din lahat ang iba pang nasa loob ng simbahan, maging ang mga santo na nasa loob ng cathedral.

Talagang walang sinasanto ang sunog.

Sa sunog na ito, literal, nasunog pati mga santo.

Ang totoo, panay ang dasal ng mga pari at madre sa nasabing simbahan na sana’y iligtas ang simbahan sa sunog.

Ngunit naging waepek ang mga dasal na iyon.

Kasi nga naman, walang santo-santo sa sunog.

MGA IBANG SUNOG

Katanghalian, nagkasunog naman sa isang parking lot sa tabi ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 na ang lupa’y pag-aari ng Manila International Airport Authority.

Anak ng tokwa, kung gaano natupok ang cathedral sa Isabela, nasa 18 sasakyan din ang natupok sa nasabing sunog.

Karaniwan umanong iniiwan ang mga sasakyan sa parking lot ng mga bumibiyahe nang malayo saka binabalikan ang mga ito pagbalik ng mga biyahero sa NAIA Terminal 3.

Ang matindi, ginusto man ng mga bumbero ang mabilis na pagsaklolo, naharang naman sila ng mga katakot-takot na trapik sa lugar.

Mabuti na lang, hindi umano naapektuhan ang operasyon ng airport at naging normal ang lahat.

Ang Philippine General Hospital, nagkasunog din ngunit nagpasalamat ang lahat dahil maliit lang na bahagi nito ang umapoy.

Siyempre, nataranta ang lahat at mahigit sa 100 pasyente ang mabilis na inilikas.

Malamang umanong galing sa may depektong electrical wire ang dahilan ng sunog.

At nitong Lunes, muntik ding madamay sa sunog ang isang ospital sa Cebu at nagpapasalamat ang mga mamamayan doon dahil naagapan agad ng mga bumbero iyon.

‘Yung Chong Hua Hospital sa Mirasol Street, Barangay Capitol Site, Cebu City ang muntik nang natamaan.

PAANO ANG MGA BUMBERO?

Nakalulungkot isipin na hindi agad nakaayuda laban sa sunog sa NAIA 3 ang mga bumbero dahil sa matinding trapik.

Ang totoo, maraming bumbero sa lugar dahil isa ngang paliparan ang NAIA3.

Pero katotohanang perwisyo ang trapik kapag may mga disgrasya gaya nga ng sunog.

Sa Cebu, lumalabas na naging mabilis ang mga bumbero na nagresponde dahil sa maayos na kalsada.

Mula sa mga pangyayaring ito, dapat bigyan ng kaukulang pansin ang mga daan o kalsada sa mga oras ng disgrasya.

Ano-ano nga ba ang mga gagawin kapag naipit sa trapik ang mga emergency responder, hindi lang sa sunog kundi sa iba pang kalagayang emergency?

Sa ngayon, bukod sa trapik, punom-puno ang mga kalsada ng mga harang na proyekto ng mga lokal at nasyunal na pamahalaan at kailangan pang umikot nang malayo bago makarating sa dapat marating ng mga sasakyang pang-emergency.

Isa ito siguro sa mga dapat igawan ng paraan ng pamahalaan upang maligtas ang mga mamamayan sa sobrang perwisyo sa oras ng pangangailangan, panganib at emergency at makatugon sa tamang oras naman ang mga may tungkuling kumilos para sa kanila.