Home OPINION EARTH DAY NA MALUNGKOT

EARTH DAY NA MALUNGKOT

GINUNITA ang “Earth Day” nitong nakaraang araw lang, April 22.   Isang araw para ipaalala sa atin ang kahalagahan na alagaan ang  “Inang Mundo”, ang kaisa-isang planeta na pwedeng tirhan at mabuhay ang mga tao.   Isang araw para ipagdiwang sana ang kagandahan ng kalikasan at ang napakahalagang biyaya na bigay n’ya sa atin – ang hangin, tubig, lupa – na s’yang nagbibigay ng pagkain, tubig, hininga, kalusugan at iba pa.

Inilunsand ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang kampanya na “Earth Day Everyday” o araw-araw na paggunita sa mundo.  Pero mistulang mapait na katatawanan ang ganitong mga kataga na hilaw at hungkag.

Para sa mga maraming komunidad at mga maka-kalikasang grupo, malungkot ang Earth Day nila.

Nagmisa sa harap ng DENR Central Office ang grupo na galing sa mga isla ng Homonhon at Manicani sa Easter Samar.   Inirereklamo nila ang patuloy na pagkasira ng mga isla dahil sa pagmimina na nickel.  Naaapektuhan na raw ang kanilang mga tanim na kalamansi at dumadalang na ang huling isda.   Para sa kanila, pahirap ang pagmimina sa kanilang kabuhayan, at ikinatatakot nila ang kinabukasan ng kanilang mga anak.

Hinamon naman ng Masungi Georeserve Foundation si DENR Secretary Maria Antonia “Toni” Yulo-Loyzaga na puntahan ang Masungi Protected Area at ituro  ang mga resort at swimming pools na nasa loob daw ng Masungi.   Panawagan ng mga nangangalaga ng Masungi, sana ay maging bukas ang mga taga-DENR na maging saksi kung gaano naging matagumpay ang mga conservation at sustainable eco-tourism na proyekto nila, na sinimulan pa ni dating DENR Secretary Gina Lopez.

Sa isang pulong-balitaan, ikinwento ng mga mangingisda mula sa Aparri, Cagayan ang pahirap sa kanila ng mga river dredging at seabed quarrying sa kanilang lugar.   Wala raw tigil ang paghuhukay sa bukana ng Cagayan River pero mas malaki na ang nahuhukay sa baybaying-dagat, na suspetsa nila ay mga blacksand ang minimina ng mga Intsik.

Doon naman sa Bayombong, Nueva Vizcaya, nagsampa ng kaso ang mga katutubong Tuwali-Ifugao laban sa Oceana Gold Philippines, Inc. o OGPI para ipatigil ang pagmimina na diumano ay iligal, dahil walang pagpayag ng mga apektadong tao sa barangay Didipio, sa bayan ng Kasibu.

Ilan lang ang mga ito sa mga pagpapatotoo ng maraming mga masaklap na karanasan na ang kalikasan at ang kabuhayan ay nasisira at nasasayang, dahil na rin sa kapabayaan ng gobyerno.

Hindi maligaya ang Earth Day sa Pilipinas.